HATAW News Team
MULING TITIGIL sa kanilang pagpasada ang mga grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon
(MANIBELA) bilang patuloy na pagtutol sa PUV modernization program at binigyang diin na ang kanilang prangkisa ay iniho-hostage ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Tinataya ng transport group na aabot hanggang 90,000 ang lalahok sa nationwide strike na sisimulan ngayong Lunes, 23 Setyembre hanggang bukas 24 Setyembre.
Bago ang strike, tinatayang 100 miyembro ang nagsagawa ng protesta sa harap ng LTFRB sa Quezon City kahapon.
Kinondena ni Manibela president Mar Valbuena
ang patuloy na panliligalig at pag-aresto sa kanilang mga miyembro na humihiling na sila’y payagang makapagparehistro.
Inilunsad ang welga ng sektor ng transportasyon kasunod ng pag-aresto sa mga transport leader sa isinasagawang protesta laban sa public utility vehicle modernization program (PUVMP).
Sinabi ng mga miyembro ng nasabing transport groups, na iniho-hostage ng LTFRB ang kanilang prangkisa.
Ayon sa mga jeepney operators, hindi sila inisyuhan ng confirmation certificate na kinakailangan para sa rehistrasyon ng kanilang mga sasakyan.
Iginiit ng mga grupo na muli silang isyuhan ng limang-taon prangkisa mula sa LTFRB para makapag-operate.
Noong nakaraang buwan, tinanggihan ni Presidente Ferdinand Marcos, Jr., ang panawagan na suspendehin ang PUVMP kahit majority ng mga senador ay lumagda sa isang resolusyon para sa suspensiyon.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang suspensiyon ng PUVMP ay makagugulo sa serbisyong kapaki-pakinabing sa marami.