MULING iginiit ng talk show at public service program na CIA with BA ang mahalagang papel ng mga barangay officials sa pagprotekta sa mga karapatan ng kababaihan at kabataan.
Sa segment na ‘Yes or No,’ itinanong ni Jabo ng Mariteam ang tungkol sa posibilidad ng pag-isyu ng protection orders sa barangay level.
Diretsong sinagot ito ni Senator Pia Cayetano ng “yes.” Ipinaliwanag niya ang kapangyarihang ibinigay sa mga opisyal ng barangay sa ilalim ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 (Republic Act 9262), na nagbibigay sa kanila ng kakayahang mag-isyu ng Barangay Protection Orders (BPOs) para maiwasan ang karagdagang pang-aabuso.
“Kapag ginawa ang batas na ito, na-realize ng mga mambabatas na sa barangay pa lang [dapat]. Hindi pwedeng ang korte lang ang magbibigay ng protection order dahil bago ka makarating sa korte, matagal pa,” paliwanag ni Senator Pia.
Binigyang diin din ni Ate Pia ang kahalagahan ng ‘Yes or No’ segment. Aniya, “Ang request ko talaga sa segment nating ito ay may matutunan tayong lahat. Sa maraming taon, lagi akong may exhibit sa Senado tungkol sa VAWC, at nagbibigay ako ng mga talumpati sa buong bansa. Kaya natutuwa ako na magagawa natin ito rito sa aking ibang tahanan, ang ‘CIA with BA,’ dahil ang layunin natin ay ie-educate ang mga tao tungkol sa kanilang mga karapatan sa batas at maging mas mabubuting tao.”
Tinapos niya ang usapan sa pagbibigay-diin sa pangangailangang magkaroon ng kamalayan tungkol sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso: pisikal, sekswal, sikolohikal, at pang-ekonomiya.
“Napakahalagang malaman ng lahat ang iba’t ibang uri ng pag-aabuso laban sa kababaihan at kabataan,” dagdag pa niya.
Ang CIA with BA ay nagpapatuloy sa legasiya ng yumaong Senator Rene Cayetano at mapapanood tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, na may replays sa GTV sa sumunod na Sabado ng 10:30 p.m..