HATAWAN
ni Ed de Leon
TALAGANG maugong na maging ang dating ST Queen na si Gretchen Barretto ay tatakbo nga raw congressman.
Noong una ang sinasabi ay sa Makati siya tatakbo, ngayon may nagsasabi namang sa Maynila siya lalaban. Pero ang kapatid niyang si Claudine ay hindi naniniwalang papasok nga ang ate niya sa politika.
Sinasabi ni Claudine na wala sa pamilya nila ang talagang politiko, bagama’t noong nakaraang eleksiyon ay tumakbo siyang konsehal sa Olongapo, kasama ng talent manager na si Arnold Vegafria, at pareho naman silang natalo.
Gayunman, sinabi rin ni Claudine na hindi niya alam kung tatakbo nga ang kanyang kapatid bagamat mahilig ding tumulong sa ibang mga tao. Hindi nga ba’t noong panahon ng pandemya ay nagpapadala siya ng ayuda sa mga kakilala niya sa show business. Kaya sinasabi rin ni Claudine kung tatakbo nga ang kanyang ate tutulong din siya sa pangangampanya niyon. Puwede nga bang hindi? Sinuportahan naman siya ni Gretchen noong panahong kailangan niya ng tulong sa buhay niya.
Aminado rin naman siya na sa kanilang magkakapatid, si Gretchen ang mas umabot sa matinding kasikatan kung ikokompara sa kanilang lahat.
Kaya kahit na matagal na iyong wala sa showbusiness, tiyak na naroroon pa rin ang recall ng kanyang pangalan sa isipan ng mga botante.
Pero talaga nga bang tatakbo si Gretchen? At bakit congressman ang kanyang tatakbuhan?