ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MATAGUMPAY ang ginanap na launching ng bagong all-male sexy group na Magic Voyz last Sept. 10 sa Viva Café.
Binubuo ang Magic Voyz ng pitong barako na sina Jhon Mark Marcia, Juan Paulo Calma, Mhack Morales, Rave Obado, Jace Ramos, Ian Briones at Johan Shane. Sila ay nasa ilalim ng pangangalaga ng Viva Records at LDG Productions ng talent manager na si Lito de Guzman.
Hindi lang sila palaban sa kantahan kundi mahusay sila sa sayawan at kadyutan. Bilang baguhan sa pagpe-perform. pasado ang grupo at may potensiyal na lalo pang gumaling.
Sina Jhon Mark, Juan Paulo, at Mhack ay nagbida na sa Vivamax. Sina Jace at Johan ay pambato nila sa kantahan. Takaw-pansin ang dalawa nang kantahin nila ang ‘Maybe This Time.’
Sa naturang launching at show, ipinalabas ang music video ng first single ng Magic Voyz na ‘Wag Mo Akong Titigan.’ Madaling tandaan ang lyrics, nakaka-LSS at madaling kantahin. Bukod sa unang single nila, ire-release na rin ang kanta ng grupo titled “Bintana,” na mula sa komposisyon pa rin ng miyembrong si Johan.
After ng show ay nagkaroon ng short interview ang ilang members ng entertainment media sa grupo.
Paano sila nabuo?
Esplika ni Jhon Mark, “Binuo po kami ng aming talent manager, from Cebu, Las Pinas… galing po sa iba-ibang lugar po kami, pinagsama-sama po kami at nag-training ng ilang buwan para po mabuo ang grupo.”
“Ako naman, unexpected po ang pagsali ko sa Magic Voyz dahil buo na sila, tapos ako kumbaga, as a songwriter din ng grupo, napasali na rin ako sa kanila,” sambit naman ni Johan.
Paano nila ide-describe ang kanilang unang single?
Tugon pa ni Johan, “Ang ‘Wag Mo Akong Titigan is idini-describe po namin siya about a girl na nakikita namin sa malayuan, na nakakailang kapag tinititigan ka, parang ligaw-tingin lang po, parang ganoon po.”
Anyway, sa naturang event ay sumuporta at nag-perform ang ibang talents ni Lito gaya nina Robb Guinto, Krista Miller, Yda Manzano, Ayah Alfonso, at Mariane Saint.
Bumisita rin dito ang ilang Vivamax stars na sina Marco Gomez, Itan Rosales, at talent manager na si Ms. Len Carillo. Pati na sina Jay Manalo, Marlon Mance, at iba pa.
Sobrang happy naman ng kanilang talent manager na si Lito sa naganap na launching ng Magic Voyz. Na-miss daw niya ang mag-manage ng grupo kaya binuo niya ang grupong ito.
Siya ang manager ng sumikat na ‘Baywalk Bodies,’ ‘Wonder Gays,’ ‘Milkmen’ at ‘Batchmates’.
Wika niya, “Nakaka-miss ulit ang mag-manage ng grupo. Sing and dance talaga ang challenge ko sa buhay. Nakikita ko kasi na patok ngayon ang mga boy group. So, naisip kong bakit hindi ako mag-training ng mga boys na nag-lead na sa mga movies.”
Saad pa ng kilalang talent manager, “Gusto ko kasi, may patunguhan din ‘yung paghuhubad nila at mai-showcase ang kanilang versatility. Ang packaging, sexy actor pero may talent, marunong kumanta, sumayaw aside from acting.”
Bakit ganito ang naging name ng grupo? “Kasi inspired ang name nila sa Magic Mike,” pakli pa ni Mother Lito.
For booking ang inquiries, puwedeng kontakin ang Magic Voyz sa kanilang Facebook page. Maaari ring tawagan sa Viva Artists Agency at cell number na 0917840352.