MATABIL
ni John Fontanilla
NANUMBALIK muli kay Gerald Santos ang hindi magandang nangyari sa kanyang kabataan sa kamay ng isang sikat na musical director sa paglantad ni Sandro Muhlach sa ginawang panghahalay umano ng dalawang Kapuso independent contractor.
At noong mga panahong iyon ay apat na beses na nagtangkang magpakamatay si Gerald.
Sa Senate hearing ay inihayag ni Gerald ang buong pangyayari at sinabi ang pangalan ng musical director nang muli siyang ipatawag.
“Sa gulang po na 15 ay naranasan ko ang pinakamapait na maaaring maranasan ng isang bata,” anang singer/aktor.
“Hindi po alam ng aking pamilya pero apat na beses po akong nag-isip na tapusin na ang aking buhay.
“Bilang 15 years old, ako po ay mahina. Walang kalaban-laban, walang magagawa, walang kilala. Ako po ay isang mahirap lamang,” paglalahad ni Gerald.
Katulad ni Sandro at ng kanyang pamilya, umaasa si Gerald na mabibigyan ng hustisya ang nangyari sa kanya ilang taon na ang nakalipas.