HATAWAN
ni Ed de Leon
BINISITA ni Senador Jinggoy Estrada si Jojo Nones na ipinakulong niya sa detention center ng senado dahil sa contempt. Sinabi rin ng senador na nagmamatigas pa rin si Nones at ayaw pang magsalita.
Pero tiniyak ng senador na, “mananatili siya sa detention hanggang hindi siya nagsasabi ng totoo sa senado.”
Sa ngayon napakalakas ng public opinion laban kina Jojo at Dode Cruz. At tanging si direktor Joel Lamangan ang kumampi sa kanila publicly sa pagsasabing, “hindi naman mga balahurang bakla iyang dalawang iyan.”
Wala rin namang sinabi si direk Joel kung ano ang itinuturing niyang balahurang bakla. Hindi rin namin alam kung ano ang sinasabi ng abogado nilang si Maggie Abraham Garduque na isasagot nila laban sa statement ni Sandro Muhlach at sa mga ebidensiyang nakalap ng NBI. Mayroon silang limang araw pa para magsumite ng kanilang sagot sa mga bintang ni Sandro at tapos niyon ay ang preliminary investigation naman ng piskalya bago nga tuluyang iharap ang kaso sa husgado.
Pero dahil sa galing na nga iyan sa NBI magiging mabilis na ang reolusyon diyan ng piskalya at tiyak na aakyat na iyan sa husgado matapos lamang ang ilang araw. Dahil ang isinampang kaso ay isang criminal case. Magpapalabas ng warrant ang husgado, pero magtatakda rin iyon ng kaukulang piyansa para sa kanilang pansamantalang paglaya, pero si Nones nakakulong pa rin dahil sa contempt ng senado.