HATAWAN
ni Ed de Leon
KAILANGAN ba ang ebidensiya ng penetration para masabing ang isang pangyayari ay kaso ng rape? Nakikita raw na pinuwersa ang isang babae kung may makikitang lacerations sa kanyang private parts. Ganoon din sa isang lalaki na madaling mapatunayan kung violated ang kanilang likuran.
Pero hindi kailangang magkaroon ng lacerations o katunayan na nagkaroon ng penetration. Sa definition ngayon ng rape ang sino man na pinuwersang makipag-sex ay biktima ng rape. Ngayon nga maski na ng asawa mo na ay maaari pa ring magreklamo ng rape kung pipilitin mo. Sa ilalim ng sinusugang batas, hindi katungkulan ng isang babae na ibigay ang hinihingi ng kanyang asawa kung labag sa kanyang kalooban. Ganoon din naman ang karapatan ng isang lalaki. Hindi mo na maikakatuwiran ngayon iyong, “lalaki ka naman at walang mawawala sa iyo.”
Gayunman, sinabi ni Atty Lorna Kapunan sa Senate hearing na napakababa ng parusa sa ilalim ng umiiral na batas, at kahit na nga mahatulan kang guilty magmulta ka na lang, libre ka na.
Hindi rin naman maganda ang ganyan, dahil marami ngang nahatulang guilty madali ring nakalulusot at parang hindi rin naparusahan. Dahil diyan marami sa mga biktima na gumaganti na lang sa mga umabuso sa kanila na hindi naman maganda para sa lipunan.
Kaya nga si Atty. Kapunan at ang isa pa nilang naging resource speaker na si Atty. Ferdie Topacio ay nangakong magbibigay ng suggestions kung paano sususugan ang mga umiiral na batas para magkaroon ng tamang parusa ang mga sexual offender.