HATAWAN
ni Ed de Leon
NAALARMA agad si Vilma Santos nang mabalitaang nagbubuga na naman ng usok ang bulkang Taal. Lalo siyang naalarma nang mai-report na kalat na raw ang smog sa lalawigan ng Batangas at sa mga kalapit bayan sa Quezon at Cavite at maging sa Metro Manila. Naging mabilis din ang pagbibigay warning ng Philvocs na kailangang mag-ingat dahil sa smog at nagbabala rin na kahit na alert level 1 lamang ang nakataas sa Taal, kailangang maging maagap ang lahat.
Ipinayo nila ang mabilis na evacuation sa volcano island na matagal na naman nilang sinasabing hindi na dapat pamahayan ng mga tao. Dahil diyan mabilis namang tinawagan ni Ate Vi ang kanilang staff ni Secretary Ralph Recto sa Batangas na humanda sa isang relief operation na maaari nilang gawin ano mang araw lalo na kung lulubha ang sitwasyon. Nagsimula na silang mag-impake ng relief goods na maaaring ipamahagi anytime na nga kung mayroon nang cumpolsury evacuation. Karaniwang pinalilikas ang nasa loob ng ten kilometer danger zone mula sa bulkan, at nangangahulugan iyan ng displacement ng libong mga tao sa lalawigan ng Batangas.
Sinasabi ng Philvocs na ngayon ay umabot na ang smog sa mga malalapit na bayan ng Quezon, Laguna, at Cavite ganoon din sa Matro Manila. Nagpayo naman ang DOH na kailangang magsuot ng face mask ang mga nasa lugar na apektado ng smog kung sila ay lalabas ng bahay
Si Ate Vi naman, pinaghanda na ang lahat sakaling magsagawa sila ng relief operations.
“Umaasa ang mga kababayan namin na wala man kami sa puwesto sa Batangas ngayon hindi naman kami maaaring magpabaya dahil ang turing namin sa kanila pamilya na rin namin. Natural lang ang magtulungan sa panahon ng kagipitan,” sabi ni Ate Vi.
“Hindi nga lng gaya ng dati na mapakikilos mo ang buong gobyerno para tumulong pero sa tulong naman ng aming maliit na staff at mga Vilmanian na laging volunteers sa ganyang trabaho nagagawa naman namin lahat ng dapat gawin,” sabi pa niya.
Ganyan si Ate Vi, ginagawa niya para sa bayan kung ano man ang makakaya niya sabihin mang hindi na niya tungkulin. Ang katuwiran niya hindi naman siya magiging sikat na artista kundi siya sinuportahan ng publiko, hindi rin siya magiging matagumpay na politiko kung walang suporta ng bayan, kaya kung sabihin niya ngayon ang kanyang payback time kailangan niyang kumilos bilang pasasalamat sa mga tumulong sa kanya.