IDEDEKLARA ng lungsod ng Maynila ang 4 Agosto bilang “Carlos Yulo Day”, ang Pinoy Olympian na nakakuha ng dobleng medalyang ginto sa katatapos na 2024 Paris Olympics, bilang residenteng lumaki at nagkaisip sa Leveriza St., Malate, Maynila na nakatakdang parangalan sa Manila City Hall sa Lunes, 19 Agosto.
Ayon kay Mayor maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, sila ni Vice Mayor Yul Servo ay nasa proseso ng paghahanda para sa dalawang mahahalagang pagtitipon para bigyan ng pagkilala ang true-blue Manileño na nagdala ng karangalan hindi lamang sa mga kapwa Manileño kundi sa buong bansa.
Ayon kay Lacuna, ang Manila City Hall ay magsasagawa ng programa para parangalan si Yulo at ipagkaloob sa kanya ang cash incentive na nagkakahalaga ng P2 milyon.
Nabatid na punong-punong ang schedule ni Yulo kaya ang awarding ay sa Lunes pa gaganapin.
Ayon sa lady mayor, ang isa pang Manileño na si EJ Obiena, ay pagkakalooban rin ng cash incentive na nagkakahalaga ng P500,000.
Gayonman, ang cash incentive ni Obiena ay ibibigay nang mas maaga dahil pupunta siya sa ibang bansa sa Huwebes.
Sinabi ng alcalde, ang planong “Carlos Yulo Day” sa lungsod ng Maynila ay working holiday. Ang petsang napili na 4 Agosto, ay ang araw kung kailan unang nanalo ng gintong medalya si Yulo.
Ang deklarasyon ng nasabing holiday sa pamamagitan ng isang resolusyon ay ginagawa sa Manila City Council sa pangunguna ni Servo bilang Presiding Officer. (BONG SON)