HATAWAN
ni Ed de Leon
“NAPAKASAKIT para sa amin iyong tinatawag kaming bakla at inaakusahan pa ng kung ano-anong masasama,” sabi ng dalawang suspect sa kaso ng panghahalay kay Sandro Muhlach na sina Richard Dode Cruz at Jojo Nones.
“Oo bakla kami pero hindi kami abuser. Oo bakla kami pero wala kaming ginagawang masama sa kapwa. Oo bakla kami pero may takot kami sa Diyos,” ang madamdaming pahayag ng dalawa na halata mong hindi style ng isang abogado kundi style ng isang sript writer sa drama.
Sa bandang huli sinabi pa ni Nones na sana naman ay aminin na ni Sandro ang totoo na hindi naman nila siya hinalay.
Pero ang kasunod na tanong diyan ay kung magkakaibigan naman sila, ano nga kaya ang motibo ni Sandro para ituro silang nanghalay sa kanya?
Una, lumalabas nga sa statistics kahit na sa US na mga limang porsiyento lamang ng male rape ang naisusumbong, at sinasabi sa mga pag-aaral na iyon ay dahil sa kahihiyan ng lalaki na masabing siya ay na-rape ng isang bakla. Iyong iba namang mga lalaki gumaganti na lamang, binubugbog ang bakla at quits na sila.
Ang tanong, noon bang mawala na ang kalasingan ni Sandro at nalaman niyang inabuso siya hindi man lang ba niya naisip na sapukin ang mga bakla? Kung hindi ay bakit? Pagkatapos niyon ay wala na tayong nalaman dahil humiling ng executive session ang dalawang suspect at bawal ring ilabas kung ano man ang napag-usapan nila.
Kasabay niyon, humingi rin ng paumanhin ang dalawa kina Senador Robin Padilla at Senador Jinggoy Estrada na nagalit noong hindi sila dumalo sa unang hearing at nagmungkahi na padalhan sila ng subpoena. Sinabi nilang natakot lang sila sa kung ano ang maaaring ibunga ng kanilang testimonya bukod sa sinabihan daw sila ng NBI na bawal na magbigay ng ano mang statement tungkol sa kaso hanggang hindi tapos ang kanilang imbestigasyon. Sinasabi ring baka magsagawa pa ng isang hearing ang senado tungkol sa kaso bago iyon sumampa sa hukuman, at nagkasundo na ang usapan ay gagawin sa isang executive session.