HATAWAN
ni Ed de Leon
NOONG Lunes, Agosto 12 ay birthday ng aktor na si Aga Muhlach. Siya ay 55 years old na ngayon. Naalala namin ang first encounter kay Aga ay nang bigyan siya ng isang birthday presentation sa Sunday show ni Kuya Germs, 15 years old pa lamang ang aktor noon. Ibig sabihin apat na dekada na pala kaming magkakilala, apat na dekada na rin siya bilang isang actor kung ituturing ngang unang pelikula niya ang Bagets.
Pero nauna riyan ay nakalabas na siya sa pelikula, kasama siya sa pelikulang Agila ni FPJ na ginawa ni Eddie Romero bilang batang tagapagsalaysay ng kuwento ng bida. Lumabas na rin siya sa comedy film na May lalaki sa Ilalim ng Kama ko kasama si Amalia Fuentes na tiyahin niya. Pero naging bida siya talaga at naging isang malaking star sa Bagets. In fact, nang mawala si Aga, lumamig na nga rin ang kasunod na pelikula ng mga Bagets.
Kung iisipin mo sa original na grupo ng mga Bagets, si Aga na lang naman ang natitirang matibay pa rin ang takbo ng career. Si William Martinez ay bihira nang lumabas. Si JC Bonnin ay naging pari na ng isang sektang protestante sa abroad. Si Herbert Bautista ay tahimik na matapos na matalong senador. Sina Francis Magalona at Jonjon Hernandez ay yumao na. Si Ramon Christopher ay gumagawa pa rin ng mga supporting roles hanggang ngayon.
At sa tingin namin kay Aga, tatagal pa ang career niyan.