TATLONG Rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) at ilang R-16 (Restricted 16) at R-18 (Restricted 18) na mga pelikula ang ipalalabas sa mga sinehan ngayong linggo sa pahintulot ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, sa ilalim ng PG, maaaring manood ang mga edad 13 at pababa na kasama ang kanilang mga magulang o nakatatanda sa kanila.
Ang lokal na pelikulang When the World Met Miss Probinsyana ay may PG rating, sa takda nina MTRCB Board Members (BM) Jan Marini Alano, Racquel Maria Cruz, at Richard John Reynoso. Anila, ang pelikula ay naglalaman ng mga tema, eksena, at aksyon na kakailanganin ang gabay ng magulang.
Ang Korean action movie na Project Silence naman ay nabigyan din ng PG rating nina Cruz, Reynoso, at Antonio Reyes. Anila, ang pelikula ay may marahas na paglalarawan at hindi pangkaraniwang mga salita na hindi angkop sa mga bata.
Ang pelikulang Borderlands mula sa Pioneer Films ay PG din ayon kina BMs Cruz, Federico Moreno, at Lillian Ng Gui dahil ito’y naglalarawan ng ilang wika at eksena na kailangan ng gabay ng nakatatanda sa mga batang manonood.
Samantala, nabigyan naman ng markang R-16 ang It Ends With Us mula sa Columbia Pictures Industries Inc. Ang R-16 ay para lamang sa mga edad 16 at pataas. Sinabi nina BMs Cruz, JoAnn Bañaga, at Wilma Galvante na ang materyal ay may grapikong paglalarawan ng karahasan at ilang sekswal na mga eksena.
Ang Unang Tikim ng Viva Communications, Inc., ay nabigyan ng R-16 at R-18. Ang R-18 ay para lamang sa mga edad 18 at pataas. Ayon kina BMs Gui, Juan Revilla, at Antonio Reyes, ang pelikula ay may mga sekswal na eksena na hindi akma sa mga menor-de-edad.
Sa R-16 namang Unang Tikim, sinabi nina BMs Galvante, Moreno, at Jerry Talavera na may grapikong eksenang sekswal ang pelikula, paglantad ng mga maselang parte ng katawan, at mga salitang hindi angkop sa mga batang edad 15 at pababa.
Pinaalalahanan ni Chair Sotto-Antonio ang mga manonood na ang MTRCB Ratings system ay nagsisilbing gabay ng publiko tungo sa responsableng panonood. Sinabi niyang sa pamamagitan ng pagpapalakas ng media literacy at responsableng panonood, magiging matalino ang publiko sa pagsusuri ng mga angkop na pelikula para sa kanilang pamilya tungo sa isang makabuluhang Bagong Pilipinas.