“MAY ABS pa ba?” Mayroon pa siguro dahil winelcome na naman nga nila si Sharon Cuneta. Bagamat sa ngayon ay madilim at halos wala nang laman ang kanilang studios. Ganyan din ang welcome nila kay Sharon nang magbalik sa kanila mula sa TV5.
Maaaring makakabongga na naman sila ngayon, hindi ba somosyo si Leandro Leviste ng mahigit na P36-B sa ABS-CBN kaya sinasabing malulusutan nila ang mga problema nila sa banko sa taong ito? Natural gagamitin din nila iyon para makapagpa-bongga para makaakit sila ng mga bagong investors na magtitiwala pa sa kanilang kakayahan.
Marami ang nagugulat dahil wala nga silang prangkisa pero nakuha naman nila ang ZOE tv ni Eddie Villanueva na halos angkinin na nila iyong estasyon. May mga show sila sa TV5 na ok ang dating.
Nakapasok pa sila sa dati nilang kalabang GMA 7 na mukhang suko na rin at umaaming mas mahina ang kanilang creative department kaysa saradong ABS-CBN. At ngayon mukhang na-“sequester” na nila ang estasyon ng mga VIllar iyong AMBS. Kung titingnan mo nga ang kanilang noontime show, iyong It’s Showtime, mistulang naka-hook up na ang lahat ng channels sa free tv.
Hindi maganda iyang counter productive. Una dahil nakopo na nila lahat ng channels, walang television channel na makakukuha ng magandang ratings kasi nahahati lang naman ang audience eh, hindi dumarami. Halimbawa palabas ka sa GMA 7, tapos mapapanood ka rin sa AllTV ibig bang sabihin niyon ay nadoble ang audience? Hindi, kasi iisang show lang naman iyon.
Kaya maling idea iyang hook up eh kasi isa lang ang matinding kalaban diyan, iyong ang mga tao ay hindi na manood ng tv sa oras na iyon, kagaya nga namin. Counter productive eh dahil ang nawawalan ng choice ang tao kasi mayroon na silang monopoly ng lahat ng tv channels. SIla ba makakadagdag sa kita nila? Hindi rin eh, dahil bakit ako maglalagay ng commercials sa lahat ng tv channels na iyon na ang palabas ay iisa lang naman? Parang isang puhunan gusto mas maraming sabay-sabay na kita eh bakit ka mag-a-advertise eh hindi naman nadagdagan ng additional channels ang audience. Maaaring nabawasan pa nga ang tv audience dahil nabagot na iyon lang ang napapanood mo kahit saan ka pumunta. Talo ang tao riyan dahil ang publiko ay inaalisan nila ng choice at pilit nilang isinasaksak sa ating lalamunan ang show nila.
Ano rin ang epekto ng ganyang monopolyo sa mga artista? Isipin ninyo iyong dahil naka-hook up sila iisang artista lamang ang kumikita ganoong ang daming stars na naghahanap ng trabaho. Iisang set lang ng production people ang may trabaho samantalang marami ang nakanganga? Iyon namang may trabaho, ipinalalabas sa multiple channels ang kanilang show. Binabayaran ba sila ng talent fee para sa bawat channel na inilalabas ang show? Hindi nakatutuwa iyan.
At ito namang kongreso, hindi ba nakatatawa naman na ang isang network na inalisan nila ng congressional franchise ay on the air pa rin sa lahat halos ng tv channels, na nabibili nila ang airtime? Hindi ba nagmumukhang katawa-tawa na ngayon ang kongreso na hindi nagbigay ng isang franchise, dahil sa pakikisama kay Presidente Digong, at ngayon napatunayan ng ABS-CBN, hindi na kailangan ang congressional franchise basta may pera kang pambayad sa blocktime.
Baka dumating ang isang araw na may makita na lang tayo sa ating telebisyon na programa at propaganda ng China, dahil magbabayad sila ng blocktime. Hindi ninyo maawat iyan. Magiging isang malaking issue iyan dahil pinalusot ninyo sa ganyan ang ABS-CBN.