HATAWAN
ni Ed de Leon
WALANG masama kung sinabi ni Dingdong Dantes na ineendoso ng kanilang samahan si VIlma Santos bilang National Artist? Hindi naman iyon pangangampanya, sinasabi lang nila ang nasa loob nila bilang mga magkakasama sa isang katipunan ng mga artista na nais nilang tanghaling national artist si Vilma. In fact wala silang pakialam sa iba, wala rin naman silang iniimpluwensiyahan. Hindi naman kailangan iyon eh. Hindi naman iyan isang popularity poll.
Gusto lang nilang ipabatid na malaki ang bilang ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang sector ng lipunan na gusto ring itanghal si Vilma bilang national artist at pinangunahan nga lang sila ng Aktor PH.
Una wala namang masama sa kanilang ginawa, sila ay isang samahan ng mga artista na itinuturing ding isang guild, o isang union nila. May karapatan naman silang mag-endoso kung sino ang gusto nila. Walang puwedeng kumuwestiyon bakit sila tumawag pa ng isang press conference sa Manila Hotel dahil ang Aktor PH ay isang pribadong samahan at ang pondong ginamit nila ay pera nila. Hindi naman sila isang government agency na ang gastos ay dapat ituos sa bayan.
Hindi rin naman masasabing selective sila, dahil noong panahong nag-ambisyon si Nora Aunor bilang national artist at noong dalawang ulit siyang ni-reject ng dalawang presidente ay hindi pa naitatatag ang AKtor ph. Kung mayroon na noong Aktor PH siguro naman ay tinulungan din siya. Isa pa low profile ang laban nila noon dahil isang malaking isyu nga sa bayan iyong kung gagawin siyang isang national artist ganoong may kaso siya ng droga sa US, at nabalita iyon sa buong mundo. Isipin mo naman sikat kang aktres tapos nahuli kang may dalang kung ilang gramo ng shabu sa eroplano na mahigpit na ipinagbabawal talaga.
Hindi katuwiran ang sinasabi nila noon na hindi naman siya pusher kundi for personal consumption lamang ang dala niya. Isang kilo man o isang gramo ang dala, paglabag pa rin iyon sa batas na nagsasabing bawal magdala ng bawal na droga sa eroplano.
Iyan ang magkaibang sitwasyon noong ikinakampanya ng ibang grupo naman na gawing National Artist si Nora. Isa pa, walang masasabing bias diyan dahil hindi naman kasali si Dingdong o isa man sa mga miyembro ng Aktor PH sa mga pipili ng nominees na isusumite kay Presidente BBM. Mas hawa naman iyong president ng isang award giving body na tahasang nagsasabing ang dapat manalo ng kanilang award ay iyong aktres na pini-pr niya. Kaya nga kami hindi kami naniniwala sa award na iyon dahil ang tiyak na mananalo ay ang pini-pr ng presidente nila, maliban kung may mas mataas na bidder na magdadatung ng mas malaki. Eh iyong award naman nila parang auction eh, to the highest bidder ang takbo.