HATAWAN
ni Ed de Leon
“HINDI kami papayag na mauwi sa wala ang lahat ng aming pagsisikap. We we’re not doing it the right way noong mga nakaraang panahon, until someone told us how to go about it. Hindi kaya iyan ng fans lamang, kailangang makakita kami ng mga tao sa academe na naniniwala ring kagaya namin na si Ate Vi ay dapat na maging pambansang alagad ng sining “ sabi ng mga Vilmanian.
Nagsimula iyan nang si Vilma Santos ay makumbida nila sa isang proyekto ng CCP (Cultural Center of the Philippines) sa pagbuhay ng interes ng mga tao sa pelikulang Filipino. Maraming nanood ng pelikula, at sinasabi nga nila noon na iyon ang pinaka-matagumay nilang screening. Dahil nakita nilang click sa masa, nagkasunod-sunod na ang screenings ng mga klasikong pelikula ni Ate Vi hanggang sa FDCP (Film Development Council of the Philippines) mismo.
Tapos the big one came, iyong screening na ginawa sa UST. Hindi nila akalain na ganoon karaming estudyante ang magiging interesado na panooring muli ang pelikulang Anak. Karamihan sa kanila hindi pa ipinanganganak nang ipalabas ang pelikulang iyon. Hindi lamang ang mga estudyante, maging ang teaching staff ng kanilang College of Letters mula sa kanilang Dean at teaching staff, naroroon at ang ikinagulat ng marami, ang Rector Magnificus ng UST, si Rev.Fr Richard. Ang OP ay naroroon din sa kabuuan ng screening at nagbigay pa ng ilang pananalita.
Pagkatapos niyon nakausap pa namin si Fr.Richard at maging kami ay nabigla nang sabihin niyang kaisa namin siya at ang buong university, sa paniniwala na dapat na maging National Artist si Ate Vi. Roon nagsimulang gumulong ang lahat ng efforts, ano-ano ba ang talagang kailangan. Ang UST professor at ngayon ay Doctor of Letters na ring si Antonio Aguila ay nagbigay ng ilang suggestions, pati na ang isang libro na ihahanda ng academe tungkol sa mga accomplishment ni Ate Vi. Hindi biro-biro iyan dahil hindi naman iyan kagaya ng kung anong libro lang na mukhang komiks, iyan ay ihahanda ng academe. Totoong libro iyan, at nasabi nga nila na malaki ang magagawa riyan ng UST.
Sa totoo lang may dati nang planong ganyan, pero isang coffee table book lang iyon na ilalabas sana ng ABS-CBN Publishing kasabay ng 60th year ni Ate Vi. Pero hindi nga nakalap ang mga material dahil mas naging interested sila sa Anim na Dekada na ginawa nila para sa telebisyon.
Ngayon iba na rin naman ang sinasabing gagawing libro, hindi siya coffee table book kundi isang scholarly study tungkol sa mga nagawa ni Ate Vi sa loob ng 60 taon bilang isang alagad ng sining at isang public servant.
Pero kailangan pa ring may magsulong ng kanyang nomination at naging malaking sopresa nga para sa lahat at maging kay Ate Vi nang bigla na lang mabalitang nagtatawag ng isang press conference ang Aktor PH., ang bagong samahan ng mga “higit na progresibong mga artista” na nagsabing sila ang mangunguna sa pagsusumite ng nomination para sa
Star for All Seasons, kasama ang mahigit na 20 iba pang NGO’s na naniniwala ring ang premyadong aktres ay dapat na ngang tanghaling national artist. Naging suporta rin nila ang samahan ng mga retired educators, na kinakatawan ng dalawang dating undersecretary ng DepEd na kaisa nila sa paniniwala. Mayroon ding mga party list na kasama sa endorsement.
Napag-usapan lang daw naman nila iyon sa isang board meeting ng samahan, nang lahat ay sabay-sabay na nagsabing sila ang dapat na manguna sa nomination. Iniharap daw nila ang panukala ng board sa buong assembly, at wala silang narinig kahit na isang pagtutol at sa halip mga kuwentuhan tungkol sa kanilang magandang karanasan nang makasama nila sa trabaho si Ate Vi. Kaya nga nakipag-coordinate na sila sa mga Vilmanian, inalam nila kung sino-sino na nga ba ang nakahandang mag-endorse at isinama na nila sa endorsement na isinumite nila sa NCCA at sa CCP.
Sa ngayon ang NCCA at CCP ay may anim na buwan para pag-aralan at magkaroon ng verification ang mga detalyeng iniharap nila sa nomination. Tapos iyon ay aakyat pa sa ikalawa at ikatlong level bago lalabas ang mga nominated for National Artist na isusumite kay Presidente BBM para kompirmahin at italaga sa pamamagitan ng isang presidential proclamation.
Malakas ang kanilang paniniwala na walang dahilan para hindi nila igawad iyon kay Ate Vi, dahil sa loob ng 60 taon siya ay naging isang magandang halimbawa sa mga mamamayang Filipino, na siyang goal din ng Aktor PH. Na ang mga artista ay maging magandang example sa mga mamamayan. Hindi siya nahalo sa anumang eskandalo, hindi nabalitang may masamang bisyo gaya ng pagsusugal, paglalasing o paggamit ng droga.
Si Vilma Santos ay kinikilalang isang mabuting ina at isang mabuting lingkod ng bayan bukod pa sa pagiging isang mahusay na aktres.
Hindi lang iyan ang gagawin ng Aktor PH. Sabi nila makikipagtulungan sila sa ABS-CBN Restoration sa SOFIA at sa iba pang film restorers na may hawak ng mga klasikong pelikula ni Ate Vi at iaalok nila iyon para muling mapanood sa buong bansa para maihanda na nila ang masa para sa kanyang deklarasyon bilang isang pambansang alagad ng sining.
Sasabayan na rin nila iyon ng mga seminar on film appreciation na sa paniniwala nila ay magiging daan para ang mga tao ay magbalik sa mga sinehan.
Ang laki ng plano ng Aktor PH na pinaniniwalaan naman nilang magagawang lahat sa pakikipag-tulungan ng iba pang NGOs na kasama nila at ang mga pinuno ng mga eskuwelahan na naniniwala sa kanilang layunin.
Paano mo nga bang matatalikuran si Ate Vi bilang National Artist kung ganyan ang pagtanggap sa kanya ng publiko?