NAHAHARAP sa isang asuntong kriminal si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kasama ang 13 iba pa, sa sinasabing koneksiyon nila sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) Zun Yuan Technology Incorporated.
Sa pangunguna ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), naghain ang awtoridad ng kasong Qualified trafficking laban kay Guo at 13 indibiduwal sa Department of Justice (DOJ) kahapon, 21 Hunyo 2024.
Sa itinakdang batas, ang asuntong Qualified trafficking ay walang piyansa at may parusang kulong.
Kinilala ang iba pang iansunto na sina Rachelle Joan Malonzo Carreon, Thelma Barrogo Laranan, Rowena Gonzales Evangelista, Rita Yturralde, Merlie Joy Manalo Castro, Dennis Lacson Cunanan, Jaimielyn Santos Cruz,
Roderick Paul Pujante, Juan Miguel Alpas, Zhang Ruijin, Baoying Lin, Huang Zhiyang, at Yu Zheng Can.
Ang asunto ay iniluwal matapos ang pagsalakay sa sinabing illegal POGO sa Bamban.
Sinabi ni Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) chief Undersecretary Nicholas Ty, nasa proseso sila ng paghahain ng immigration lookout bulletin order (ILBO) upang masubaybayan ang mga galaw ni Guo at ng iba pang inasunto.
Ang ILBO ay upang masubaybayan ang mga inasunto, at hindi para mapigilan silang makaalis ng bansa.
Gaya nang dati, patuloy na itinatanggi ng Bamban Mayor ang mga alegasyon at sinabing kailangan ng sapat na ebidensiya bago siya hainan ng asunto.
Si Guo ay nauna nang sinampahan ng kasong graft ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman noong 1 Hunyo 2024.
Bukod sa mga kasong kriminal, si Guo at ang dalawang Bamban officials na sina business permit and licensing officer Edwin Ocampo at municipal legal officer Adenn Sigua ay sinampahan ng kasong administratibo dahil sa grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Dahil sa nasabing mga kasong administratibo, iniutos ng Ombudsman na suspendehin si Guo at ang dalawang opisyal ng munisipyo.
Ayon sa Ombudsman malakas ang nakita nilang ebidensiya laban sa tatlo. (HNT)