NANATILI at hindi nagbabago ang paninindigan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na siya ay isang Filipino at mariing itinanggi ang mga alegasyon ni Senador Win Gatchalian tungkol sa kanyang citizenship.
Giit ng alkalde, wala siyang alam at kinalaman sa mga dokumentong ipinakita ng senador na umano ay galing sa Board of Investments (BOI) at Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Mayor Guo, ang kanyang tunay na ina ay si Amelia Leal at ang kanyang totoong pangalan ay Alice Leal Guo na nakasaad sa kanyang birth certificate at hindi Guo Hua Ping na ibinibintang ni Gatchalian.
Idinagdag ni Guo, mayroon siyang Philippine passport na inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pagpapatunay na siya ay isang Filipino.
Mayroon din umano siyang mga negosyo, personal properties, at lupa sa Filipinas, gayondin, siya ay nagbabayad ng buwis.
Sinabi ni Guo, tumakbo at nanalo siya bilang alkalde sa Bamban, Tarlac, dahil siya ay isang lehitimong residente at walang dudang Filipino.
“Kung ako ay isang Chinese citizen, bakit pa kailangang kumuha ako ng Chinese visa tuwing bibisita sa China?” pahayag ni Mayor Guo.
Binigyang-diin ni Mayor Guo, bagamat walang direktang probisyon sa batas na nagsasaad na ang isang tao ay awtomatikong mamamayan ng bansang kanyang tinitirahan, may mga mekanismo upang maiwasan ang statelessness.
Ang Constitution ng Filipinas at mga batas nito ay nagbibigay-diin sa pagkakaroon ng nationality base sa jus sanguinis at iba pang mga probisyon para sa pagkilala sa pagka-Pilipino.
Ipinaliwanag ni Mayor Guo, naniniwala siya na mananaig ang hustisya at ang paninindigan ng kanyang pagka-Filipino sa kabila ng mga pagdududa ng kanyang mga kritiko.
“Welcome sa akin ang mga proceedings sa proper forum na nagta-challenge sa aking citizenship at handa akong harapin ito,” giit ni Mayor Guo.
Sa kabila ng mga alegasyon laban sa kanya, sinabi ni Guo na nagpapaabot siya ng kanyang pasasalamat sa mga residente ng Bamban na patuloy ang suporta sa kanyang liderato at patuloy na pagpapakita ng kanilang malasakit sa kanyang kinahaharap na laban.
Aniya, makaaasa ang kanyang mga nasasakupan ng kanyang dedikasyon at paglilingkod na may integridad at pagsusumikap.