HATAWAN
ni Ed de Leon
TAMA ba Tita Maricris, ang narinig naming ang tatayong production company ng The EDDYS sa taong ito ay iyong Brightlight Productions na itinatag ng dating mayor na si Albee Benitez at nag-produce ng mga noontime at Sunday shows sa TV5 na hindi tumagal?
Pero iba naman ang kaso nila noon kasi nga lumabas na mas malaki ang budget nila at bayad sa mga artista kaysa ibinabayad ng ABS-CBN na wala nang prangkisa noon kaya nagtalunan na ang ilan sa kanilang mga host sa Brightlight bukod pa nga sa mas mataas ang bayad sa kanila. Tapos lumabas na ang pagbabayad pala nila ng mataas sa talents ay hindi rin sapat para makakuha sila ng mga commercial. At dahil sa laki nga ng bayad nila, hindi makayanan iyon ng revenue ng shows. Ang ending, nasara ang noontime show at ang ipinalit doon ay ang show ng ABS-CBN na It’s Showtime, na hindi rin naman nag-rate sa TV5.
Eh kaya lang naman malakas sila ngayon ay dahil nasa isang estasyon silang 150 kW power laban sa mas mahihinang estasyon ng Eat Bulaga. Kung pantay lang silang nasa 150 KW hindi naman uubra ang Showtime. Hindi ba ilang taon na silang magkalaban na parehong nasa malakas na power, ang Eat Bulaga noon sa GMA, ang Showtime ay ABS-CBN, pero hindi naman umubra ang huli.
Kaya ngayon tingnan ninyo, lahat halos ng mga show ng ABS-CBN inilalabas nila sa All TV. Pero ang Showtime hindi nila mailipat dahil oras na galawin nila iyan sa GMA, bagsak na naman ang ratings niyan.
Pero balikan natin iyang Brightlight, kung nakuha nga nila ang The EDDYS, ito ang unang pagkakataon na hahawak sila ng ganyang show. Ang advantage nga lang si Eric Quizon ang kanilang director. Marunong naman si Eric. Kung nakuha nilang director ay isang delulu delikado sila. Siguro kukuha rin naman sila ng mga competent na production staff, pero kahit naman hindi kasi ang mga miyembro ng SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors) ay nakatutok sa show kaya hindi mangyayari iyong mga kapalpakang nakita natin sa iba nitong mga nakaraang araw. Tiyak iyong mga host at performers ay may star value naman ang kukunin ng SPEEd para sa EDDYS. Hindi sila kukuha ng mga host at performers na puchu-puchu, after all may pera naman sila.
Wala rin naman sigurong mananalong mga delulu sa kanilang awards. Lahat naman ng winners nila sa simula’t simula pa ay walang naka-angal. After all, justified ang lahat ng panalo sa kanila. Hindi rin naman sila nagre-request na magpa-dinner ang mga nanalo sa kanila, o nag-request ang sino man sa kanila na bigyan ng libreng bakasyon sa abroad, tutal nakakapag-abroad naman sila with or without the awards. Iyan na nga lang EDDYS ang masasabi naming awards na tiyak walang ibang motibo kundi parangalan ang pinaka-mahuhusay.
Wala pang nanalo sa kanila na nakapagdududa. Wala pa silang pinapapanalong “P.D.L.” sa kanilang awards. Wala pa sa kanilang nagta-tie kahit na malaki ang agwat ng boto kasi mga licensed accountants naman ang nagta-tabulate at naglalabas ng resulta sa kanila, hindi naman kung sinong bookkeeper lamang sa palengke.
Titingnan namin ang kanilang live telecast sa All TV 2 sa Hulyo 7. Take note nasa telebisyon sila ha, wala sa puchu-puchong mga website lang sa internet.