HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKATUTUWA nga sana ang FAMAS sa taong ito. Kasi binigyan nila ng pagkilala ang mga beteranong mga artista, nag-iwan ng malaking ambag sa industriya ng pelikula sa ating bansa. Ngayon ay bihira na silang makita at ang mga magaganda nilang pelikula noon ay hindi na maire-restore ngayon dahil nawala na ang mga original na kopya.
Pero kahit paano naalala sila ng FAMAS bagama’t hindi rin naman lahat naalala nila.
Aba, malaking gastos din iyon kung lahat dahil iyon lamang tropeo ng FAMAS magkano na nga ba ang pagawa ng bawat isa? Malaking halaga rin iyon, kaya siguro hindi nila nabigla pero unti-unti bibigyang parangal din nila iyong iba.
Nasira nga lang dahil sa nangyari kay Eva Darren, na sana mabigyan nila ng tamang pagtutuwid dahil kung hindi batik na naman sa kanila iyan.
Natatandaan namin, gusto nang i-boycott ng buong industriya iyang FAMAS noon kundi nga lang namagitan ni Secretary Guillermo de Vega, tinulungan niya ang Film Academy of the Philippines na magbigay ng sarili nilang industry award, at ang FAMAS bilang award mula sa mga kritiko at media.
Naging magulo rin naman ang FAP Awards. Nanatili ang FAMAS, at nagsulputan na ang iba pang awards na ngayon ay mas masahol pa, kasi open na ang bentahan nila ng awards. Pati nga isang drug lord na nakakulong sa New BIlibid Prisons nanalo pa ng award. Pati iyong bida sa isang pelikulang ni hindi nagkaroon ng commercial theatrical exhibition naging best actor.
Iyong isang pelikulang wala ring nanood best actor din ang hindi naman bida.
Talagang magulo na ang mga award ngayon kaya nga kami sinasabi namin na ang pinagkakatiwalaan na lang namin ngayon iyong The EDDYS ng SPEED. Doon sa iba, hindi po namin alam your honor kung paniniwalaan namin. Mukhang walang maniniwala sa kanila kahit na roon sa mga lumaki sa farm.
Kahit na iyong mga hindi nakapag-aral at natuto lamang bumasa sumulat at magkuwenta dahil sa turo ng isang tutor sa farm, hindi na rin siguro bibilib kung ganyan ang mga award.