HATAWAN
ni Ed de Leon
GRABE talaga ang mga troll. May nagsasabi ngayon na hindi na raw yata nahihiya si Sunshine Cruz dahil may edad na ay umaasal pang parang bagets pati sa kanyang pananamit at ayos. Pero kung gagamitin lang nila ang utak nila at mga kung wala pa silang kulaba sa mata mukha ba namang may edad na si Sunshine?
Kung sabihin nga nila si Sunshine daw ay parang si Vilma Santos din, nagkaka-edad pero mas nagmumukhang bata at gumaganda. Hindi siya nagmumukhang hukluban na kagaya ng iba na gustong manahin ang trono ni Lilia Cuntapay bilang horror movie superstar.
Halibawa ba si Sunshine ay bigyan mo ng role ng isang chimimi o isang mangkukulam may maniniwala ba sa kanya? Iyong gandang iyon magiging alagad ng kadiliman? Hindi ha, ibigay na natin ang mga role ng mambabarang, mangkukulam, at aswang doon sa nababagay ang hitsura.
Iyon nga lang role ng nanay hindi pa magiging convincing si Sunshine eh dahil mukha siyang batam-bata pa. Para pa ring noong panahon niya sa That’s Entertainment. Kasalanan ba niya kung talagang maganda siya at marunong siyang mag-alaga sa kanyang katawan?
Hindi pa naman si Sunshine iyong mukhang huklubang itinutulak na lang sa isang wheel chair at hindi na makalakad. Iyong lumakad lang ng kaunti ay hihingalin na, kasi naman eh. Matatanda na panay pa ang toma at singhot. Eh si Sunshine, bukod sa bata pa ay clean living naman talaga kaya hindi tatanda iyan.