OPISYAL na kinompirma ng Puregold ang kolaborasyon nila sa Pinoy boy band na SB19 at talaga namang kinasabikan ito ng bawat A’Tin sa Pilipinas. Nagpatikim na ang grupo ng kolaborasyon ilang linggo na ang nakalilipas, sa pamamagitan ng mga post at story sa Instagram, na nakasakay sila sa mga shopping cart ng Puregold.
Kasapi sina Josh, Pablo, Stell, Ken, at Justin, bumida ang SB19 sa P-Pop sa ‘Pinas. Kasama sa kanilang paglalakbay ang napakarami at istriktong pagsasanay, at ngayon, kilala na sila bilang mahusay na tagapagtanghal. Ipinakikita lamang nito na susi ang talento at determinasyon sa tagumpay. Ngayon, napamahal na ang musika ng SB19 hindi lamang sa mga tagasubaybay nito sa Pilipinas, kundi sa iba pang bansa.
Subalit, nagkaroon ng mga hamon nitong nakaraang taon. Pagkatapos na ilabas ang kanilang pinakahuling album na pinamagatang Pagtatag at habang nasa una nilang world tour, nahirapan ang SB19 sa pagiging malayo sa kani-kanilang mga tahanan. Lumipat din ang grupo ng management—isang malaking hakbang sa aspeto ng pagiging malayang artista.
Hindi nagpapatinag sa mga hamon, umaasa ang SB19 na magamit ang mga karanasang ito sa paglikha ng tunay na sining. Sa kanilang kolaborasyon, hangad ng Puregold na maibahagi ang kanilang kuwentong panalo, kuwento ng pagiging malakas at matatag, para maipaalala sa lahat ng Filipino na mayroon din silang ganitong lakas at tatag.
Kasama sina Flow G, ang BINI, at ang SunKissed Lola, halimbawa ang SB19 ng paglago at pagtatagumpay ng Original Pinoy Music. Sa pangako ng Puregold na suportahan ang lokal na musika, tiyak ipagpapatuloy nito ang ganitong mga musikal na proyekto.