HATAWAN
ni Ed de Leon
UY nakatatawa, kasi inilabas ng TVJ ang katunayan na ang Eat Bulaga sa bago nilang tahanan ay kumita ng P1-B sa kanilang unang tatlong buwan. At hindi gawa-gawa lang iyan dahil nasa record iyan ng ibinayad nilang tax.
Makikita naman ninyo ang dami ng kanilang commercials at sa ngayon kahit na nga lumipat sila ng network nananatiling mataas ang kanilang advertising rates na kinakagat naman ng mga advertiser. May mga show na nagsasabing kung bibilangin ang kanilang mga commercial ay lamang sila pero magkano nga ba ang kanilang commercial rates eh, nakabatay pa iyon sa panahong nasa mahihinang estasyon pa sila sa cable channel lang at sa internet.
Tapos maski na nga mas maliit ang talent fees ng kanilang mga host kaysa TVJ, hindi pa rin nila kayang talunin ang kita ng Eat Bulaga.
Kaya panatag ang loob ng mga Dabarkads eh kahit na sabihing ang katapat nila ay mas mataas ang ratings dahil nasa isang estasyon na malakas ang transmitting power, umamin ang producer nila na nalulugi sila ng milyong piso buwan-buwan sa mga show nila kaya nga hindi nila mabayaran ang mga utang nila sa tatlong banko, at nakikiusap pang palawakin ang kanilang loan facilties.
Natural ang itataya naman nila ngayon ay para silang nakabalik sa dati hindi man sila binigyan ng congressional franchise dahil nakuha naman nila ang estasyon ng mga VIllar na maglalabas na ng lahat ng kanilang show kabilang na ang TV Patrol na bumagsak nang todo nang hindi na sila mapanood on air. Pero parang nagsisimula sila ulit sa square one niyan. Kung sa bagay sanay naman ang ABS-CBNsa ganyan hindi magtatagal lalabas na ang survey ng Kantar Media na nagsasabing tinalo na ng lahat ng shows nila sa AMBS ang lahat ng ibang shows sa ibang tv networks. Baka nga ideklara pa nilang ang AMBS na ang leading network dahil sa pagpasok nila roon.
Mahusay naman talaga ang ABS-CBN sa propaganda ewan lang kung magagawa pa nila iyan sa ngayon eh sinasabi nga nilang baon pa sila sa utang.