ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SASABAK muli sa Broadway musical si Gene Juanich ngayong April. Ito ay via “Cinderella, The Musical” at hataw na sila sa preparasyon ngayon para rito.
Si Gene ay isang New York based singer/songwriter/musical theater actor na naging bahagi ng Broadway production ng Tony Award winning musical na Once On This Island, itinanghal sa CDC Theatre, New Jersey, USA. Pati rin sa Broadway musical na Working, The Musical, at iba pa.
Nagkuwento siya ukol sa kanilang latest musical play.
“Ang Cinderella The Musical po ay isang regional Broadway production ng Narrows Community Theatre (NCT) at ito po ay gaganapin ngayong April 5-14, 2024 sa Fort Hamilton Army Base Theatre sa Brooklyn, New York.
“Ito ay sa direksiyon at choreography po ni Chris Carver at sa musical direction naman po ni Ethan Smith-Cohen, at si Andrea Bernardo ang Stage Manager naman.”
Inusisa namin ang kanyang role rito, “Bale part po ako ng male ensemble iyon po ang role ko rito sir. Ngayon ay sobrang busy po kami sa rehearsals ng upcoming regional broadway musical,” kuwento ni Gene.
Nalaman namin kay Gene, bawat play pala ay kailangan niyang mag-audition. “Opo sir, iyan nga po ang kalakaran dito sa New York, na kailangan mo pong mag-audition sa bawat show na gusto mong salihan.
“Hindi po uso rito ‘yung connection or may kilala ka sa production. Dito po ay audition talaga ang ginagawa kaya kapag nakita ka nilang may ibubuga ka, siguradong kukunin ka po nila,” esplika ni Gene.
“Bale pang-apat na pong regional Broadway musical ko ito sir,” aniya pa.
Sino ang pinaka-bida or lead sa musical play nila at paano niya ide-describe ang play na ito?
Aniya, “Ang gaganap po na si Ella – iyon po bale ang pangalan ni Cinderella sa musical, ay si Amelie Jacobs po at si Prince Topher (short for Christopher) naman po ay gagampanan ni Zach Driscoll.
“Sobrang ganda po nitong modern retelling ng Cinderella, The Musical kasi may mga bagong characters po na i-introduce gaya po ni Jean-Michel na leader po ng revolution, si Lord Pinkleton po ang royal herald na taga-announce ng mga important events sa palace, at si Sebastian ang royal advisor po ni Prince Topher.”
Pagpapatuloy ni Gene, “Sobrang gaganda rin po ng mga songs sa musical na ito dahil ang composers ay ang mga batikan at iconic na legendary composers na sina Richard Rodgers at Oscar Hammerstein na siyang gumawa po ng sikat na Broadway musical at movie na The Sound of Music.”
Anyway, ang isa pang dahilan kaya excited na excited ngayon si Gene ay ang gaganaping 14th Star Awards for Music ng PMPC.
Nominated dito sina Gene at Michael Laygo sa kategoryang Best Collaboration of the Year Award sa Star Awards for Music ng PMPC para sa kantang Puso Ko’y Laan.
“Super-excited po ako sa nalalapit na 14th PMPC Star Awards For Music na nominated po kami ni Michael Laygo para po sa song namin na “Puso Ko’y Laan”,” nakangiting pahayag ni Gene na napag-alaman din namin na ang kanyang next single ay kaabang-abang na naman.