HATAWAN
ni Ed de Leon
TALAGA bang puro Metro Manila Film Festival (MMFF) movies na lang ang pinaghahandaan ni Vilma Santos? Hindi naman siguro dahil inamin din naman niya na maraming scripts sa kanyang bahay ngayon, isa-isa niyang binabasa ang mga iyon. May ibang ibinalik niya na may suggestion na revisions sa kuwento, ibig sabihin interesado siya sa mga project na iyon, kung hindi ba naman ay bakit gagawa pa siya ng suggestion sa changes.
Pero talagang maraming producers na gusto siyang igawa ng pelikula para sa ika-50 taon ng MMFF sa Disyembre. Dahil iyan nga ang golden year ng MMFF, kailangan talaga na matitinding pelikula ang ilabas diyan at kailangang ang gross ng festival ay humigit sa record ng alinmang taon ng pista. Ang MMFF naman simula noong una ay kumikita at taon-taon ay pataas nang pataas ang kita niyon, maliban lamang doon sa taong ang nakapasok ay puro pelikulang indie. Dahil maliliit din ang pelikula, natural maliit din ang kita. Kaya nga natuto na ang MMFF, hindi na pinapapasok ang mga pelikulang sa palagay nila ay hindi commercially viable dahil kawawa naman ang mga sinehan na hindi kumikita sa Christmas season. Kaya naman nakabawi sila sa nakaraang taon.
Alam din nila na ang adbokasiya ni Ate Vi na pabalikin ang mga tao sa sinehan ay naging epektibo lalo na nga’t nakipagtulungan din ang mga artista ng iba pang pelikula kaya nangyari ang ganoon. Nitong nakaraang festival, dalawang pelikula lang naman ang naghilahod, pero sa simula pa lang naman ay alam na nilang ang mga pelikulang iyon ang magiging bottom holder.
Malayo pa naman ang December kung gagawa si Ate Vi ng isa o dalawang pelikula pa bago ang festival ay puwede pa naman. Pero iyon nga ayaw na niyang magpagod pang kagaya noong dati. Gusto niya hinay-hinay lang sa paggawa ng pelikula. Tiyak naman iyon, kung ano ang pinaka-magandang project iyon ang kanyang tatanggapin at hindi kung sino ang may pinakamataas na offer.