ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAHAYAG ni Fumiya Sankai na malaking challenge sa kanya ang pelikulang Apo Hapon: A Love Story. Ito ay isang Rom-Com at historical film na pinagbibidahan nina JC de Vera at ng Japanese actress na si Sakura Akiyoshi.
Pahayag ni Fumiya, “Serious ang acting ko sa movie, this is first time to me na gumawa nang serious acting. Medyo mahirap yung pag-shift ko from comedy to drama. Kasi, ako nasanay na sa comedy, that’s why it was so hard.
“This movie, is a movie about war and also a love story din ang mapapanood nila sa movie.”
Pahabol na dagdag pa niya, “I returned to the Philippines because I want to start my career again, acting is my passion.”
Nabanggit din ni Fumiya na noong pandemic ay namalagi siya sa Japan ng three years at habang nandoon ay nakagawa ng Netflix series titled Animals at nagbukas ng coffee shop business doon.
Ang Pinoy Big Brother Season 8 housemate na si Fumiya ay gumaganap sa pelikula bilang si Kazuo Toro, isang Japanese soldier noong World War II na sumapi sa tribo ng mga katutubo at kinalaunan ay nakapangasawa ng Igorota na ginagampanan ni Nella Dizon.
Kamustang katrabaho si Nella? “She’s very good, how would I say it? She’s easy sa communication and to work with, we support each other, eh,” nakangiting esplika pa ni Fumiya.
Ang pelikulang Apo Hapon: A Love Story ay umiikot sa isang Japanese vlogger na si Mozuki na ginagampanan ni Sakura.
Ito ay mula sa GK Productions, sa screenplay ni Eric Ramos at sa pamamahala ng premyadong direktor na si Joel Lamangan.
Nasa casts din ng Apo Hapon sina Lianne Valentin, Jim Pebanco, Perla Bautista, Elora Españo, Marcus Madrigal, Rico Barrera, Yoshiko Hara, Prince Clemente, at iba pa.
Mapapanood na sa mga sinehan nationwide ang Apo Hapon, simula Marso 6.