RATED R
ni Rommel Gonzales
LITERAL na napaluha kami habang nagbabalik-tanaw si Jo Berry sa napakasaklap na karanasan niya noong kasagsagan ng pandemya, 2021.
Iyon ang taon na sunod-sunod na pumanaw ang kuya, lolo, at ama ni Jo dahil sa Covid-19.
“Nawala po ‘yung brother ko, August 26, and ‘yung lolo ko, September 1, and ‘yung Papa ko, September 21. Same year po ‘yun.”
Sa kabila ng mga trahedyang ito, never ni minsan na kinuwestiyon ni Jo ang Diyos kung bakit sa kanya ibinigay ang mga pagsubok na ito.
Lahad ni Jo, “Hindi ko Siya kinuwestiyon kasi I have faith, and naniniwala ako na nangyari lahat kasi kailangang mangyari.
“Sadly, kailangang mangyari sa akin. Hindi ko naman po idi-deny na nasaktan ako.
“Lagi ko rin sinasabi na alam ko po sa sarili ko na hindi na ako magiging okay like I was before. Kasi may void na, may kulang na, pero hindi ko po kinukuwestiyon.”
Sa bago niyang serye na Lilet Matias: Attorney-At-Law, unang beses na hindi kasama ni Jo ang kuya niya sa isang presscon dahil pumanaw nga ito.
Bukod pa rito, pangarap ng namayapang ama ni Jo na maging abogado siya at natupad ito ngayon kahit sa papel sa isang serye. Isang abogada kasi ang papel ni Jo rito.
“I don’t think na makaka-move on ako ever. Pero ayun, kapag nalulungkot ako, ginagamit ko talaga kasi ‘yung sinasabi nga ng Papa ko, ituloy ko lang ‘yung laro ko and share po kami sa dream na ito na gusto kong maging abogado.
“Kaya noong obinigay po sa akin ito, ipinag-pray ko, na sinabi ko, sabi ko sa kanya ‘Papa, sa role pa lang naging abogado na ako ngayon,’” pahayag ni Jo sa presscon ng pinakabagong serye ng GMA.
Idinidirehe ito ni Adolf Alix Jr., mapapanood simula March 4. Kasama rito sina EA Guzman, Jason Abalos, Maricel Laxa-Pangilinan, Analyn Barro, Rita Avila, Bobby Andrews, Lloyd Samartino, Glenda Garcia, Troy Montero at marami pang iba.