ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
“SOBRANG saya ko po sir Nonie, kasi kahit paano napansin po ng media ang song namin ni Michael Laygo.” Ito ang masayang tinuran sa amin ng recording artist ni Gene Juanich nang makahuntahan namin siya recently sa FB.
Wika pa niya, “Mapasali lang po na ma-nominate sa mga bigating pangalan sa music industry sa ‘Pinas gaya nina Ms. Regine (Velasquez), Ogie (Alcasid), Moira, Gloc9, Ben&Ben at iba pa ay isang napakalaking karangalan na po para sa akin. Kahit hindi po manalo ay masaya na po ako na mapasama sa mga legends na ito.”
Nominated sina Gene at Michael sa kategoryang Best Collaboration of the Year Award sa Star Awards for Music ng PMPC para sa kantang Puso Ko’y Laan.
Paano niya ide-describe ang kanilang song?
Tugon ni Gene, “Bale ang song po na iyan, Puso Ko’y Laan ay original composition ko po and originally ay debut single po iyan ni Michael Laygo-ang Philippines Prince of PopRock noong 90’s under Alpha Records. So, naisip po namin na bakit hindi po namin i-revive yung song, but this time ay ang original singer at ang composer ng song ang kakanta. So, bale duet collaboration po siya.”
Nabanggit din ni Gene na kahit nasa New York siya at si Michael ay nasa Las Vegas, nai-record nila nang maayos ang naturang kanta.
Pagbabalik-tanaw niya, “Super-proud po kami ni Michael sa aming collaboration sir, kasi po si Michael ay naka-base po sa Las Vegas, Nevada at ako naman po ay sa New York. Pero dahil sa digital age na tayo at advanced technology in recording, puwede na po talaga mag-collab ang two artists kahit magkalayo po sila ng lugar.
“Like si Michael po ay ini-record niya yung part niya sa Las Vegas and ako naman po ay ini-record ko ang part ko rito sa New York. Then, minaster mix po siya sa ‘Pinas, kaya sobrang proud po talaga kami ni Michael na nakabuo po kami ng isang magandang song recording kahit na magkalayo po kami,” lahad pa ni Gene.
Si Gene ay isang New York based singer/songwriter/musical theater actor na naging bahagi ng Broadway production ng Tony Award winning musical na Once On This Island na itinanghal sa CDC Theatre, New Jersey, USA. Pati rin sa Broadway musical na Working, The Musical, at iba pa.