HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY natitira pang walong araw ang mga Jalosjos para magsumite sa IPO PHL ng mga dagdag na ebidensiya at magharap ng mga panibagong argumento bukod sa nasabi na nila sa mga naunang pagdinig kung iaapela pa nila ang desisyon niyon na nagkakaloob ng karapatan sa TVJ sa titulong Eat Bulaga at kumakansela sa kanilang trade mark registration.
Nauna roon sinasabi ng mga Jalosjos na bagama’t inirehistro nila ang trade mark noong 2003 pa at hindi naman pumalag ang TVJ ibig sabihin ay pinayagan nila iyon at may presumption na itinuring din nilang ang TAPE Inc. na siyang producer ng kanilang how ang may karapatan nga sa trademark. Pero ang paghahabol ng TVJ at pagsasabing iyon ay kanilang intellectual property dahil sila ang nag-imbento niyon ay katunayang hindi nila isinuko ang kanilang karapatan sa TAPE Inc.. Wala rin naman silang pinirmahan na nagbibigay ng pahintulot sa TAPE Inc. na iparehistro ang kanilang obra. Pero ano ang malay ninyo kung may mailalabas silang maski na verbal note lamang na pinahintulutan sila ng TVJ baka sakaling mabawi pa nila ang title na Eat Bulaga. Kung hindi Ex Bulaga na nga sila o kaya ay Eat Nawala. Kung mawawala nga sa kanila ang title na Eat Bulaga mas mabuti pang kanselahin na nila ang kanilang show. Naging antipatiko na sa audience ang kanilang host na si Paolo Contis. Wala namang pumapansin kina Bentong at Buboy. Buti nga si Cassy Legaspi nakasama pa sa When I met You in Tokyo ni Ate Vi (Ms Vilma Santos) at least napansin siya.
Ano pa ba ang iisipin ng mga Jalosjos kahit na nasa kanila ang titulong Eat Bulaga talo pa rin sila ng TVJ. Eh ngayon pa bang lumalabas na talagang inangkin lang nila ang titulong TVJ ang talagang gumawa?
Kung gusto nilang makaganti sa TVJ kanselahin na nila ang show nila para mailipat na ng GMA 7 ang pinaka-kulelat na noontime show na Showtime. Baka sakaling makalaban iyon sa TVJ kung sila ay nasa isang estasyong 150kw Power na at may mahigit na 100 provincial relay. Iyon ay kung hindi totoo ang tsismis na nakahanda na ang ABS-CBN na magdeklara ng bankruptcy sa susunod na taon dahil hindi na nila kayang mabayaran ang kanilang mga outstanding loan simula noong mawalan sila ng prangkisa. Kaysa nga naman sa mawala pang lahat ang kanilang assets, magdeklara na sila ng bankruptcy at ituloy nang ang ABS-CBN ay gawin na lang condominium ng Rockwell.
Kung mangyayari iyan, ilagay mo man sa GMA 7 ang Showtime wala na rin iyan. Dahil parang inamin na rin nila na talagang mahina ang kanilang show. Nalugi ang producer nila eh.
Isa pa, lumipat man iyan ng network hindi na nila makukuha ahg tiwala ng mga advertiser. Bumagsak na sila eh.
Tingnan lang natin baka nga kanselahin na ng mga Jalosjos ang kanilang show na hindi rin naman kumikita at nagbabaon pa sa kanila sa utang. Magiging number two ulit ang Showtime dahil dalawa na lang silang maglalaban ulit. O kaya dahil wala na rin naman ang balita sa tanghali, ilagay na lang ng ABS-CBN sa noontime slot ang TV Patrol baka mas tumaas pa ang ratings niyon sa number 20. Tutal ni wala sa Top 20 ang Showtime eh. Nakahihiya nga iyong TV Patrol dati kalaban ng 24 Oras. Ngayon iyong 24 Oras ang top rating tv show at iyong TV Patrol nasa number 20 na lang.