Saturday , November 16 2024
Korean heart finger hand

Pinoy artists naaagawan ng trabaho ng mga Koreano

HATAWAN
ni Ed de Leon

NAKALULUNGKOT kung minsan, ang daming mga artistang Filipino na walang trabaho sa kasalukuyan dahil kakaunti ang gumagawa ng mga pelikula. Bihira na rin ang gumagawa ng teleserye dahil nasisingitan na iyon ng mga ginagawa ng mga content creators gaya ng ABS-CBN, na gumagawa na lang ng content simula nang nawalan sila ng prangkisa. 

Ibig sabihin niyan, nababawasan naman ng pagkakataong magkaroon ng trabaho ang mga artista ng networks na inilalabas ng ABS-CBN ang mga ginagawa nilang content, kasi nga nagba-blocktime na lang sila sa ibang networks para may mapaglabasan sila ng mga drama nila. That way, mananatiling may trabaho ang kanilang staff at mga artista kahit na wala na silang estasyon ng telebisyon. Bagama’t ngayon ay may sinasabing maaaring makapagbukas sila gamit ang prangkisa ng isang kompanya na siyang nag-o-operate na ng kanilang estasyon ng radio. Kung nagawa nila iyon sa radio, baka nga magawa rin nila sa TV.  Hindi malayo iyan.

Ang isang pag-asa sana ng ating mga star na pagkakitaan ay ang mga commercial endorsement. Pero nahalata namin, ang kinukuha nilang endorser ay mga dayuhan, karamihan ay mga Koreano, at iyan ay dahil sa pagsikat ng mga Korean series sa telebisyon na kaagaw din ng ating mga local na teleserye. Kasi ang pagbili ng mga Korean series ay halos sampung porsiyento lamang ang gastos kaysa gumawa ka ng serye. Wala ka pang iniintinding taping, dubbing na lamang ng mga dubber na binabayaran lang naman ng P50 bawat script. Kaya ang mga network ay tubong lugaw sa mga Korean series at ang bayad sa commercials sa mga seryeng iyon ay pareho rin naman ng rate ng local series. Iyon nga lang kawawa ang mga artista, writers, director at iba pang manggagawang Filipino na nawawalan ng trabaho. Dahil sila ang nakikita sa mga serye, sila na rin ang kinukuhang commercial endorsers. 

Ngayon nga pati factory ng briefs, at maski na ang tindahan ng doughnuts, ang endorser ay Koreano na. Kawawa naman ang mga Pinoy. May kasalanan din ang media, kasi sa halip na bigyang proteksiyon ang mga kababayan nila pinupuri pa nila ang mga dayuhang iyan, na kung dumating sa PIlipinas big stars ang treatment, samantalang ang mga Filipino pagdating sa abrod ay DH ang binabagsakan kung hindi man mga blue collar jobs na ayaw gawin ng mga dayuhan. Hindi lang mga artista eh, dito sa atin maraming doctor na ang binabagsakan sa abroad ay care giver dahil mas malaki ang kita roon. Iyan ang isang bagay na kailangang isipin ng gobyerno, ang mga Filipino mismo ay nawawalan ng pagkakataon sa mga pagkakakitaan sa sarili nating bayan, kasi napakaluwag natin sa mga dayuhan.

Noong isang araw, may isa na namang Koreano na kinuhang endorser ng isang real estate firm, sabi nga namin mabuti na lang at wala kaming pambili ng condo, dahil kung mayroon hindi kami bibili ng condo na ang endorser ay Koreano. Samantalang iyong mga Filipino na maaari nilang gawing endorser, kinukuha lamang nila para maging ahente nila.

Nakalulungkot na sitwasyon iyan para sa mga Filipino, pero ano nga ba ang ating magagawa, eh may depekto rin naman kasi tayo. Likas na sa atin ang mabilis humanga sa mga dayuhan ganoong mas maraming magagaling na Filipino sa ganoong larangan.

Mayroon tuloy isang grupo ng mga kabataang artists, na ngayon ay nagpapanggap na sila ay mga Koreano na rin dahil mas may nakita silang pagkakataon kung lalabas na sila ay Koreano kahit na fake kaysa makilala sila bilang Filipino. Nakalulungkot hindi ba? Sa halip na ipagmalaki nilang may talent din kaming mga Pinoy, ang ipinakita nilang talent ay panggagaya sa mga Koreano. Hindi kami hanga sa ganyan.

About Ed de Leon

Check Also

Robbie Jaworski Andres Muhlach

Robbie Jaworski pantapat ng ABS-CBN kay Andres Muhlach ng TV5

HATAWANni Ed de Leon UY pumasok pala sa ABS-CBN si Robbie Jaworski, anak nina Dudot Jaworski at Mikee Cojuangco na mukhang …

Dominic Pangilinan Paul Singh Cudail Ako Si Juan

Direk Paul Singh Cudail, balik pelikula via ‘Ako Si Juan’

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio NAGSIMULANG maging direktor ng pelikula Paul Singh Cudail noong 2011. …

Tom Rodriguez

Tom sa pagkakaroon ng anak: Napakasarap palang maging isang ama

RATED Rni Rommel Gonzales NAPAKAGWAPO ng anak ni Tom Rodriguez. Very proud siya na ipinakita mismo …

Lala Sotto-Antonio MTRCB ICC

Responsableng Panonood ng MTRCB pinuri sa ICC, Bangkok

BINIGYANG-DIIN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na obligasyon ng mga …

Sa pagwawakas ng politically charged teleserye Pamilya Sagrado 
PIOLO SUPORTADO PARTYLIST NA TAPAT SA KANYANG PRINSIPYO 

KAPANA-PANABIK ang pagtatapos ng socio-political-action drama teleserye ni Piolo Pascual, ang Pamilya Sagrado sa ABS-CBN bukas. At dahil dito hindi …