HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGULAT kami sa ilang pictures na lumabas sa internet, iyong si Arkin del Rosario na dating dancer at member ng boy band na XLr8 ng Viva, at nakasama pa sa Star Circle ng ABS-CBN, na noon ay malinis ang image, aba nakasuot na lang ng brief sa kanyang pictures. Hindi siya kinuhang endorser ng underwear. May ginawa na rin pala siyang gay series na ipinalalabas sa internet.
Talaga bang sa ngayon ang mga lalaki para makuhang artista ay kailangan nang maghubad, gumawa ng seryeng pam-bading at kung minsan kailangan pang magbuyangyang ng ari?
Nagulat kami kasi iyang si Arkin, may hitsura naman at kahit na noon na wholesome ang kanyang image marami na rin naman siyang fans. Ang kailangan nga lamang ng batang iyan ay break. Pero siguro may mga nakausap siyang nagsabi sa kanyang kung hindi siya makikipagsabayan sa mga gay series sa internet hindi siya sisikat. Sayang na bata, may hitsura naman at may talent. Lumalabas na rin iyan sa mga tv drama eh at mahusay naman. Ngayon kung masasadlak na lang siya sa seryeng pambading sa internet, at maghuhubad na lang nang maghuhubad, ano pa nga ba ang kinabukasan niya?