HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY nabasa kaming isang kuwento tungkol sa mga artista na bago napasok sa showbusiness ay naging waiter daw sa restaurant. Siyempre nabanggit ang dramatic actor at ngayon ay Congressman ng Ormoc na si Richard Gomez.
Hindi naman actually waiter si Goma noon, service crew siya sa isang burger chain sa Makati. Iyang burger chain na iyan ay kumukuha ng mga estudyanteng gustong mag-self supporting at ginagawa nilang service crew, kasi bilang crew hindi sila kailangan maghapon sa trabaho at naipagpapatuloy nila ang kanilang pag-aaral.
Si Goma noon ay nag-aaral pa sa PUP sa Sta. Mesa.
Natatandaan namin, may isa kaming kasamahan noon, si Tony Vizmonte (may he rest in peace) na madalas naming sitahin. May ginagawa kasi kaming entertainment magazine noong araw, at kung dumating kami sa office noon ay mga alas singko na ng hapon dahil tinatapos muna namin ang iba naming trabaho.
Usually ganoong oras din naiipon ang lahat ng mga movie reporter na nagsusulat sa magazine na iyon, at napaplano namin ang contents at naibibigay namin ang assignment ng bawat isa. Ganoon ang mga movie writer noong araw, binibigyan sila ng assignment kung ano ang isusulat at hindi gaya ngayon na kung ano ang napuntahan nilang press con, iyon lang ang isusulat nila.
Eh iyang si Tony, laging nagmamadaling umalis, kaya minsan kinausap namin siya ng sarilinan at tinanong namin kung bakit ba siya alis nang alis sa meeting? Inamin naman niya ang totoo, nagpupunta siya sa Makati para makita ang isang poging service crew sa burger chain. Wala naman daw, kakain lang siya sa burger chain at makikita niya ang pogi. Iyong poging kanyang gustong makita araw-araw ay si Richard. Matangkad si Goma, talaga namang guwapo, medyo maitim nga lang noong araw dahil daw sa kalalaro ng basketball sa kalye. Pero maski na sa eskuwelahan, pinagkakaguluhan si Goma ng mga estudyanteng babae. Nakatanaw lang naman sa kanya ang mga bading noon.
Doon din siya nakita ng columnist at talent manager na si Douglas Quijano. At inalok nga siyang maging artista. Natatandaan namin, nang ipakilala sa amin ni Douglas si Goma sa isang okasyon sa Manila Hotel. Kung hindi kami nagkakamali, ang pakilala sa amin ni Douglas ay photographer si Goma, hindi pa naman siya artista. Pero nasabi nga namin noon kay Douglas, darating ang araw na siya na ang kukunan ng picture ng mga photographer. Tapos umaalalay si Goma sa kanyang pinsan, na kung sabihin noong una ay kakambal niya dahil pareho sila ng edad, ang seksing si Stella Suarez Jr., o si Pinky na naunang nag-artista kaysa kanya. Pero dahil sumasama nga kay Pinky, mas lalong napansin si Goma kaya nakuha rin agad sa pelikula, at gaya ng inaasahan, biglang sikat din siya.
Napansin din siya sa ginawa niya noong toothpaste commercial na kilala sa pagkuha ng mga poging models talaga. Noong panahong iyon si Goma lang ang nakakasabay sa popularidad ni Aga Muhlach na pumailanlang din ang career pagkatapos ng una niyang pelikula, iyong Bagets. Pero magkaiba naman sila ng level, habang si Aga ay nalinya muna sa mga youth oriented films, si Goma ay sumabak sa mga mas seryosong role. Biglang pumailanlang din ang popularidad ni Goma nang maging malaking hit ang pelikulang Blusang Itim, na pinagtambalan nila ni Snooky. Magmula noon isa na siya sa mga hinahabol na leading men sa pelikula.
Kung iisipin mo nga naman, nagsimula lang siya bilang service crew ng isang burger chain, pero matindi naman talaga ang hitsura, at may talent naman talaga, kaya sumikat ng ganoon. Hindi sapat iyong guwapo lang, kailangan may talent. Hindi rin puwede iyong puro talent, hindi ka rin naman papansinin kung hindi ka pogi.