ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MALAKING tagumpay ang ginanap na Red Carpet Celebrity Screening ng Japanese film na Monster last Tuesday sa Megamall Cinema.
Dinumog ito ng mga tao at star-studded ang naturang event sa pangunguna nina Ms. Sylvia Sanchez, Lorna Tolentino, at Ria Atayde na siyang distributor o bumili ng pelikula upang maipalabas sa bansa. Ang pelikula ay hatid ng Nathan Studios na si Ria ang tumatayong President at CEO.
Full-support ang maraming malalapit sa tatlo sa showbiz, mga kaibigan, at pamilya nila sa nasabing Red Carpet Celebrity Screening.
Ilan sa namataan namin dito sina Angel Aquino, Ricky Davao, Bayani Agbayani at wife niyang si Len, Isabel Rivas, Ara Mina, Ynez Veneracion, Mon Confiado, Elijah Canlas, Jane Oiñeza, RK Bagatsing, director Richard Somes, at JK Labajo.
Present din dito ang better half ni Ms. Sylvia na si Papa Art Atayde at kanilang dalawang anak na sina Gela at Xavi.
Showing na sa bansa sa darating na Oct. 11 sa mga sinehan nationwide ang Japanese drama film na Monster na tiyak na dudurog sa puso ng maraming Pinoy. Ito ay mula sa mahusay na pagkakadirehe ni Hirokazu Kore-eda at screenplay at panulat ni Yuji Sakamoto. Ito’y pinagbibidahan nina Sakura Ando, Eita Nagayama, Sōya Kurokawa, Hinata Hiiragi, at Yūko Tanaka
Ang Monster ay isang family-drama movie na tumatalakay sa isang pamilya na humaharap sa pagsubok laban sa pambu-bully at isinusulong nito ang kahalagahan ng malusog na pag-iisip o ng mental health.
Ang pelikula ay pinarangalan bilang Best Screenplay and was honored with the Queer Palm at Palme D’Or nominee sa Cannes Film Festival 2023.
Naniniwala kapwa sina LT at Sylvia na maraming Pinoy ang tiyak na makare-relate at mata-touch ang mga puso dahil sa istoryang pampamilya nito.
Ipinayayag ni Ms. Sylvia ang goal ng Nathan Studios sa pagpo-produce ng mga pelikula.
Sambit niya, “Ang rason din kung bakit dinala namin sa Filipinas ang Monster ay dahil sa magaling na direktor nito na si Hirokazu Kore-eda. Ang galing-galing niya… parang (Pinoy movie) itong Monster na tagos sa puso.
“Maraming nagtatanong kung ano ba ang goal ng Nathan Studios sa pagpo-produce ng pelikula. Ang goal po namin is mag-produce ng sarili nating pelikula rito sa Pilipinas kasi naniniwala ang Nathan Studios na maraming magagaling na mga aktor na hindi nabibigyan ng chance.
“Gusto naming i-showcase abroad ang mga aktor na ‘yun. At the same time, pipili rin kami ng mga pelikula sa ibang bansa na alam namin na tatanggapin o tatangkilikin ng mga Pinoy gaya nga po nitong Monster.”
Nang nakapanayam namin si Ria, nabanggit din niyang plano rin nilang tatlo na gumawa ng pelikula para makatulong sa local movie industry natin.
Thankful naman si Ms. LT na isinali siya ni Ms. Slyvia na maging partner sa pelikulang ito, thru Nathan Studios.
Aniya, “Nagpapasalamat ako na isinama ako ni Sylvia na maging partner sa Nathan Studios. Noong nalaman ko na nagpro-produce na sila ng mga pelikula, sabi ko kay Sylvia, turuan niya ako kung paano mag-produce para matutunan ko rin.
“Sabi niya sumama ako sa Cannes, dahil iba na ang klase ngayon ng pagpro-produce. Noong nandoon na kami sa Cannes, nakita namin na pinipilahan nang husto ang Monster. Maraming gustong kumuha para ipalabas sa iba’t ibang bansa ang Monster.
“Ito ang first venture namin together at mayroon pa kaming mga darating na pelikula,” kuwento pa ni LT.