SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MALAKING bagay para sa isang baguhan ang mapuri ng isang mahusay na aktres na si Jaclyn Jose at premyadong direktor na si Mac Alejandre kaya naman sobra-sobra ang pasasalamat ni Azi Acosta sa dalawa para sa pelikulang Call Me Alma.
Ang Call Me Alma ay Vivamax Original movie na pinagbibidahan nina Azi at Jaclyn
kasama sina Aiko Garcia, Mon Confiado, Josef Elizalde, Gold Aceron, at Richard Solano na mapapanood na sa Sept 1.
Ani direk Mac puring-puri ni Jaclyn si Azi.
“Magkakasama kami noon nina Ricky Lee at Jaclyn nang magkaroon ng premiere ang Call Me Alma sa Cinemalaya at nasabi ni Jaclyn na nahuhusayan siya kay Azi.
“Talaga namang mahusay ang batang ito. Nag-umpisa kami sa light drama hanggang sa heavy. Hindi siya nagpahuli kay Jaclyn. In fact nakasabay siya,” kuwento ni direk Mac nang magkaroon ng private screening kamakailam.
“I feel like it’s an achievement po kasi idol ko po talaga si Ms Jaclyn Jose,” sabi ni Azi nang hingan ito ng komento ukol sa pagpuri sa kanya ng premyadong aktres.
“Before pa po ako mag-artista siya na ang nilu-look-up ko. Nakaka-overwhelm na habang nasa set kami nakaka-work ko siya at binibigyan niya ako ng tips sa tamang pag-arte. May acting coach din po kami si Tita Angie pati si direk at si Ms Jaclyn nga po,” dagdag pa.
Sinabi pa ni Azi na, “tingin ko po naging okey ang performance ko dahil sa mga nagga-guide roon sa akin sa set.”
Sa pagpasok ng Ber months, abangan si Azi na maging strong independent woman na gagawin ang lahat para makuha ang kahit na ano at higit pa sa gusto niya.
Taong 1999, lahat ay balisa sa bagong millennium at nangangamba na baka mag-end of the world na sa pagdating ng taong 2000. Pero sa gitna ng gulo at pag-aalala, isang dalaga mula sa Maynila ang patuloy na nagsisikap at hindi sumusuko sa mga pangarap niya.
Kilalanin si Alma (Azi Acosta), isang prostitute sa isang high-end club. Dahil walang magulang at walang nagsusustento sa kanya, natutunan nang suportahan ni Alma ang sarili sa tulong ng pagtatrabaho niya sa club. Marami na siyang nakilala at napaligayang mga lalaki, pero may tatlong regular customers si Alma na nagkaroon pa ng sarili nitong mga nickname, sina Tiger Joe, Kabayo, at Puppy Dog. Si Tiger Joe ay si Mr. Lopez (Mon Confiado), isang mayamang abogado na may pagkasadista at mahilig sa role-playing kapag kinakama si Alma. Si Kabayo naman ay si Mr. JC (Josef Elizalde), isang bank executive na kilala dahil sa malaki nitong ari, at si Puppy Dog naman ay si Miguel (Gold Aceron), isang estudyante na nahulog ang loob kay Alma at naikakama rin ang dalaga kahit na hindi nagbabayad.
Sa dami ng pera na kinikita niya at nakukuha mula sa iba’t ibang lalaki, komportable at kampante nang namumuhay si Alma, pero magugulo ito sa pagdating ni Sheila (Jaclyn Jose), ang babaeng magpapakilala na siya ang tunay na ina ni Alma.
Magpapaliwanag si Sheila at susubukang makipag-ayos kay Alma, pero hindi siya pakikinggan nito, hindi niya kinailangan ng ina noon, at mas lalong hindi na niya ito kailangan ngayon.
Ay pelikula ay idinirehe ni Alejandre at mula sa panunulat ng multi-awarded at renowned Filipino screenwriter, ang National Artist na si Ricky Lee.
Paanoorin kung paano matututunan ni Alma na minsan ang kapalaran natin ay nasa sarili nating mga kamay, at ang mga desisyon natin ang magdidikta ng mga kahihinatnan natin. Panoorin ang Call Me Alma, streaming exclusively sa Vivamax simula ngayong September 1, 2023.