HATAWAN
ni Ed de Leon
KAHIT paano nakababawi naman si Ate Vi (Ms Vilma Santos). Kung napansin ninyo, lately ay puro commercial endorsements ang kanyang ginagawa, bagama’t sa totoo lang ang daming pelikulang tinaggap na niya at gusto nang simulan.
“Gusto ko munang makita ang resulta niyong una.Hindi gaya noong araw na tuloy-tuloy ang gawa ko ng pelikula, at least kahit paano alam mo ang trend, alam mo kung ano ang gusto ng tao. Ngayon ang last movie ko six years ago, hindi ko masasabing ganoon pa rin ang gusto ng mga tao,hindi totoo iyong sinasabi nilang basta nasa pelikula ako kikita na iyan, kailangang isipin din kung ang ginagawa ko ba ay gusto ng mga tao, at ito ang panahon na nagbabago na ang trend.
“Iyong mga ayaw makinig at sige pa rin sa paggawa ng mga dating pelikula, bagsak sa takilya. Hindi mo maaaring asahan ang fans mo lang, hindi gaya noong araw, ang fans paulit-ulit kung manood ng sine.
“Ngayon dahil sa taas na rin ng bayad sa sinehan, baka minsan o dalawang beses na lang sila manood. Ang pag-asa mo ay magustuhan ng karamihan ang mga pelikula mo. Kaya nga pumayag na rin ako nang sabihin ng mga producer ko na isasali na lang nila sa festival, kahit na umaangal ang fans kasi gusto nila maipalabas na agad iyang ‘When I met You in Tokyo’ at gumawa raw ako ng isa pa agad para sa festival.
“Sabi ko nga sa kanila, aba eh 37 na ako, hindi kagaya noong dati na 16 lang ako kahit na maghapon magdamag ang shooting kaya ko iyan. Isa pa, may pamilya rin naman ako na kailangang isipin, hindi man ako ang gumagawa ng trabaho sa bahay, ako pa rin ang nagsu-supervise ng lahat ng ginagawa, lalo na ang pagluluto.
“Maselan sa pagkain ang boys ko. Eh dahil sa mga ginawa namin noong pandemic na hindi ako lumalabas ng bahay, aba nawili sila, gusto nila ganoon na, eh may choice ba naman ako pamilya ko iyan. At saka sabi ko nga gusto kong makita at mapag-aralan ang trend. Basta alam ko maganda ang ginawa naming pelikula. Gusto kong malaman kung ang ganyan bang genre ang gusto ng mga tao.
“Ako iyong artistang noon pa man ay natanggap nang gumagawa ako ng pelikula hindi para sa kasiyahan ko kundi sa kasiyahan ng mga tao. Hindi ako iyong nag-iisip kung mananalo ba ako ng award sa isang pelikula ko o hindi. Ang nasa isip ko kung gusto ba ng fans iyan, kung gusto ba iyan ng mga tao kahit na hindi ko fans. Tuwang-tuwa ako basta may nagsasabi sa akin na fans sila ng ibang artista pero nagustuhan nila ang pelikula ko.
“Kung sabihin nila ‘pelikula ko’ pero hindi totoo iyon, pelikula iyan para sa lahat kami nga lang ang artista. Para ano nga ba ang pelikula kung wala namang manood, ‘di nagsayang lang kayo ng pagod ninyo. I Have worked with the best directors the industry has known. I have also worked with the biggest hit makers in the industry, kailangan balance talaga eh,” sabi ni Ate Vi.
Kailan ba siya magbabalik sa telebisyon? Hindi naman maikakaila na siya ang top rater at highest paid tv star during her time.
“Madaling magbalik sa TV, marami ring offers, pero ang tanong anong show ang gagawin ko? Mahirap eh, noong araw kami ang highest rater, pagbabalik ko tiyak iyon ang aasahan nila. Noong araw, inaabangan ng tao ang aming opening number, at ang mga sponsor aawayin ka niyan basta ang commercials nila hindi kasunod ng opening number, kaya nga nagbabayad sila ng pitong spots.
“Isa lang doon ang papasok after the opening number, iyong iba bahala na ang channel 7 kung saan nila gustong ilagay. Basta ang babayaran nila pito agad. Noon madalas tinatanong ko sa sales, hindi ba unfair iyon sa mga sponsor, ang sinasabi nila sa akin, iyon daw mga sponsor ang may gusto ng ganoon para sigurado sila na ang spots nila immediately after the opening number. Kasi may limit din ang commercial na puwede sa isang oras, sa amin may dagdag dahil malaki ang production cost ng show, pero agawan pa rin ng spots.
“Iyon ang isa pa, makakasayaw pa naman ako, nagsasayaw nga ako sablogs ko pero ewan kung magagawa ko pa ang matitinding production numbers namin noon. Palagay ko at 37, mahihirapan na rin ako. Remember lola na ako.
“At saka mahirap iyong para kang nakikipag-kompitensiya sa sarili mo. Siguro kung gagawa man ako ng tv show, iba namang format, gusto kong gumawa ng mga serye, pero ayoko niyong mahahaba.
“Noong pandemic ang dami kong napanood na serye, maski na iyong Korean, ganoon ang gusto ko maikli lang pero maganda ang kuwento, pero teka muna, marami pa akong trabaho na dapat mauna kaysa riyan,” sabi pa ng Star for All Seasons.