HATAWAN
ni Ed de Leon
NATAWA kami at natuwa rin sa nakita naming kapirasong internet interview sa Diamond star na si Maricel Soriano na sinabi niyang hindi puwede sa kanya ang loloko-lokong anak. Ang katuwiran niya, siya ang ina at dapat na sumusunod sa kagustuhan niya. After all sino nga ba namang ina ang nag-isip ng hindi mganda para sa kanyang mga anak.
Ginawa ni Marya na example ang kanyang sarili. Noon nga naman kung tutuusin siya na ang bumubuhay sa kanilang pamilya, lalo na noong makuha na siya sa John and Marsha, pero sabi nga niya, “wala akong ginawa ng hindi nagpapaalam sa nanay ko at basta sinabi niyang hindi, hindi. Hindi ako maaaring umangal. Hindi ko maaaring ipilit ang gusto ko at lalong hindi ko masabi na may hanapbuhay naman ako. Lahat ng ginagawa ko kailangan payagan ng nanay ko.”
Totoo naman iyon, iyang si Marya, bata pa iyan noon, natural malikot at takbo ng takbo sa set, pero basta sinaway iyan ng lola niya na lagi niyang kasama noon, tatahimik iyan.
Totoo nga ang ikabubuti ng buhay ng isang anak ay nasa paraan ng pagpapalaki at pagdisiplina ng mga magulang. Tingnan ninyo iyong mga artistang wala sa ayos, makikita ninyo naging pabaya ang mga magulang, dahil takot din silang pagsabihan ang kanilang mga anak na kumikita para sa kanilang pamilya.
Iyan din ang madalas naming marinig noon kay Ligaya Salonga, nanay ng Broadway star na si Lea Salonga. Madalas niyang sabihin, “sabihin na nila kung ano ang gusto nila pero ang pagiging nanay ko ay hindi ntatapos sa pag-akyat sa stage ng aking anak.”
Kaya kahit na noong malaking star na si Lea, ang ermat niya ay lagi pa ring nakabantay at kadalasan ay gumagawa ng desisyon para sa kanya. Sinasabi nga niya, “ang mag-aalaga lang ng totohanan sa anak ko ay ako.”
Iyang mga ganyang showbiz parents ang ok.