HATAWAN
ni Ed de Leon
“FORTY four years na silang ganyan sa Eat Bulaga pa, pero wala namang eskandalo,” ang sabi ni MTRCBChairman Lala Sotto sa iginigiit ng mga troll ng It’s Showtime na bakit daw hindi ipatawag ng ahensiya si Tito Sotto na hinalikan ang kanyang asawang si Helen Gamboa on the air.
Masasabi raw ba na mas ok pa iyong naghalikan kaysa kumain lang ng icing ng cake? Pero mag-asawa naman iyon eh.
HIndi imoral ang mag-asawang naghahalikan. Kami nga tuwing umaga nakikita namin iyong kapitbahay hinahalikan ang asawa niya bago pumasok sa trabaho eh. May mga kaibigan kaming kahit na sa kuwentuhan lamang at nagkakabiruan, hinahalikan ang kanilang asawa kahit na kaharap kami. Eh mag-asawa naman iyon eh, ano ang problema?
Igigiit na naman nila na kumaain lang ng icing sina Ion Perez at Vice Ganda pero hindi iyong pagkain ng icing eh kundi kung paanong kinain ang icing. Eh tingnan ninyo ang expression ng mukha ni Ion habang hinihimod ang kanyang daliri na nilagyan ng icing. At ano rin naman ang expresion ng mukha ni Vice nang gawin din iyon. Siguro kung hindi nga sila bakla, sasabihin mo napakasarap nga siguro ng icing, pero dahil sa alam natin ang sexual orientation nila na hindi naman nila itinatago, iba nga ang naging kahulugan niyon.
Iyong mga naghahamon kay Chairman Lala na ipatawag din ang tatay niya, hindi niya magagawa iyon kung walang complainant.
Gaya rin sa korte, basta walang complainant, ano ang diringgin nilang kaso? Iyon pala ganoon eh ‘di ireklamo rin nila si Tito Sen para maimbestigahan ng MTRCB ang sinasabi nila. Hindi rin nila dapat pagbintangan si Chair Lala.
Ang MTRCB ay binubuo ng isang board na maraming miyembro. Hindi lang ang chairman ang gumagawa ng desisyon diyan. ‘Yong chairman nga hindi makagagawa ng desisyon maliban na lang kung may tie sa desisyon ang board members.