HATAWAN
ni Ed de Leon
ANO ba ang nangyayari sa showbusiness Nagulat na lang kami kagabi nang malaman naming sumakabilang buhay na rin pala si Boss Art Ilacad, ang pinakabatang kapatid ni Boss Orly Ilacad ng Octoarts.Si Boss Art ay isang singer at musician din. Isa siya noon sa grupong Boyfriends na nagpasikat ng maraming kanta noong 70s.
Nang malaunan siya ay naging isa sa mga executive ng Octoarts International na siyang music company at ng Octoarts Films din.
Natatandaan namin si Boss Art ang unang nagpakilala sa amin kay Renz Verano, baguhan pa lang iyon at ang ginagawa ay mga kanta sa nauuso noong Multiplex. Sabi ni Boss Art sayang daw ang boses si Renz dahil mukhang papatok, eh kung sa multiplex lang siya, ni hindi siya makikilala. Mahilig talagang kumanta si Renz noon pero ang negosyo niya talaga ay ang kanyang bakery.
Nag-suggest kami kay Boss Art, kailangan ni Renz ng make over dahil masyadong konserbatibo ang dating niya noon. Mabilis na ginawa iyon ni Boss Art, nai-launch si Renz at agad na naging gold ang kanyang unang single. It takes a singer to know one, at dahil kumakanta rin nga si Boss Art, alam niya iyon. Iyon naman ang sikreto nila kung bakit sila matagumpay sa music industry.
Si Tata Oly naman ay isa sa kauna-unahang nagkaroon ng combo noon, iyong Orly Ilacad and the Ramrods. Iyon nga ang dahilan kung bakit natayo ang Vicor, na pinagtulungan nila ng pinsan niyang si Vic del Rosario. Iyong isa pa nilang kapatid na si Ricky Ilacad, isa namang mahusay na record producer at musical director.
Pero kasabihan nga even all good things comes to an end.
Sumama ang takbo ng industriya ng pelikula kaya tumigil muna sila sa production, minsan na lang sila gumawa ng pelikula, kadalasan ay sa Metro Manila Film Festival (MMFF) bilang kasosyo lang sa mga pelikula ni Vic Sotto. Tapos bumagsak na rin ang music industry, wala nang mga plaka, casettes O CD. Ang musika ay dina-download na lang sa internet at sa ganoong sistema tagilid ang mga record company. Paano sila kikita eh talamak din ang piracy.
Kaya nang lumipat ang naging partner din nilang EMI sa Universal, isinabay na rin nilang ibinenta sa kompanya ang kanilang catalogue, ang daming hit songs sa kanilang catalogue at ang dami nilang malalaking singers noon. Pero ganoon talaga ang buhay eh.
Nag-iba-iba na sila ng negosyo, at sa isang huli nga naming balita ay pumasok si Boss Art sa real estate business na di naman siya naging matagumpay pero inaamin niya hinahanap pa rin niya ang musika. Madalas kaming nagkakapalitan ng opinyon sa Facebook lalo na at ang ipino-post ko ay tungkol sa simbahan at sa mga santo siBoss Art ay isang deboto ng Mahal na Birheng Maria at ni Santo Padre Pio. May pangako pa nga ako sa kanya na basta nagkita kami bbigyan namin siya ng relic medal ni Padre Pio.
Napansin namin na nawawala ang kanyang mga post sa FB, hindi naman namin alam na nagkasakit na pala siya, inatake siya sa
puso at nagpa-by pass. Umayos naman daw ang kalagayan niya at inilabas na sa ospital, pero masama pa rin ang pakiramdam niya, nagdesisyon silang ibalik siya sa ospital, pero mali ang timing, hindi na siya umabot sa ospital ng buhay.
Gone too soon, ang sabi nila, pero ano nga ba ang alam natin sa mga plano ng Diyos, mabait na tao iyang si Boss Art at siguro nga kagustuhan ng Diyos na huwag na siyang maghirap pa sa kanyang sakit.
Baka naman kailangan na rin siya sa kabila para roon lumikha ng mga awitin na hindi na niya nagagawa rito. Sabi nga namin, ipanalangin na lang natin ang kaluluwa ni Boss Art na nawa’y matagpuan niya ang kapahingahan at kaliwanagang walang hanggan sa buhay sa kabila at nawa’y mas maging matatag naman ang kanyang mga naiwan.