HATAWAN
ni Ed de Leon
MAGHIHINTAY ng kaunti pang panahon ang mga Vilmanian bago mapanood ang pelikula ni Ate Vi (Ms. Vilma Santos). Kasi ang gusto ng mga producer niyon ay sumali na lang sila sa Metro Manila Film Festival (MMFF)dahil bukod sa malaki ang chances na mas kumita, alam nilang maaari pa iyong humakot ng awards. Ilang ulit na nga bang naging best actress sa film festival si Ate Vi?
Ngayon pa lang handa na ang mga Vilmanian. Bawat isang fan club ay nagsabing kukuha sila ng bus para maging sasakyan nila sa pagsama sa parada. Ikukuha pa kasi ng permit iyon para makasunod sa karosang sasakyan ni Ate Vi. Tiyak namang papayagan iyon dahil nakakadagdag naman ng saya ang pagsama ng fans sa parada kagaya noong araw.