HATAWAN
ni Ed de Leon
BUKAS na ang sagupaan ng dalawang malalaking noontime shows, ang original TVJ at Legit Dabarkads sa TV5, at ang It’s Showtime na inampon naman ng GMA sa GTV. Huwag kayong malilito ha, kung wala kayong cable o tv box, iyang GTV ay nasa Channel 27. Kung ang tv ninyo ay luma na at walang UHF tuner, hindi ninyo mapapanood iyan.
Sinabi naming dalawa lang dahil iyong Eat Bulaga ng mga Jalosjos na hindi naman nakagulat ay siyang kakaning itik lang sa labanan. Para iyan iyong noontime show ng PTV 4 na Tawa Lang. Kahit pa namimigay sila ng pera sa gedli, hanggang gedli lang din ang ratings nila. Natangay pa nila sa gedli ang mga afternoon program ng GMA. Mabuti may Fast Talk si Boy Abunda, nakababawi ang network bago ang 24 oras. Kung hindi ewan na baka pati Voltes V ay alatin din.
Pero bukas kami tiyak na sa TVJ manonood. Nakasanayan na namin iyan sa loob ng mahabang panahon eh. Nakatandaan na rin namin.
Isa pa kung paniniwalaan mo ang mga kuwentuhan, mas matindi ang pasabog nila sa kanilang pagbabalik, at tiyak mas malalaki ang premyo dahil nasa kanila naman lahat ng sponsors na nakapila na nga raw sa TAPE office at nagpapa-refund ng kanilang naibigay na advance payment.
Inaalis na nila ang commercials nila dahil bagsak na ang show. May banta pang kung hindi isasauli iyon ng TAPE, magdedemanda sila. Kawawa naman bagsak na ang show, madedemanda pa.
In the meantime, patuloy ang pagbuhos ng commercial load sa TVJ, ibig sabihin maging ang mga advertiser naniniwala na sila pa rin ang number one kahit na lumipat na sila ng channel.
Malaking hamon iyan para sa Showtime, basta tinalo sila ng original Dabarkads, talagang number two na lang sila. Hindi rin naman sila naging number one noong nasa TV 5 pa sila, may ayuda pa iyon ng Zoe TV ha. Eh tandaan ninyo, ang 150KW lang naman ay GMA, hindi ganoon ang GTV. Ang TV5 at GTV ay pareho lang ng transmitting power, maliban na lang kung ang Showtime ang ipasa nila sa kanilang provincial relays at hindi ang mga Jaslosjos, makakalamang iyon.
Walang magagawa ang GMA sa problema ng mga Jalosjos at TVJ na ang sinasabi lang nila, ang kontrata nila ay sa mga Jalosjos. Pero iyon ang malaking pagkakamali nila, hindi sila nakialam kaya bumagsak ang noontime slot nila at natangay pa pagbagsak pati ang kanilang afternoon programs. Kung sa bagay, talagang ganyan ang buhay. Minsan ay nagkakamali ka ng diskarte. Kinuha naman nila ngayon ang Showtime, sana nga tamang diskarte na iyan.
Ngayon makikita mo kung paanong nagpapakumbaba si Vice Ganda sa mga dati nilang kalaban na kung lait-laitin niya noong may ABS-CBN pa talagang todo. Natatandaan ba ninyo kung paano niyang nilait at pinaglaruan si Jessica Soho noon, ngayon gusto raw niyang maging guest sa KMJS. Kung kami naman si Jessica, papayag kami basta nakasuot siya ng montura at tapa ojo. Kung hindi, roon siya mag-guest at magpa-interview kina Doc Ferds Recio at Doc Nielsen Donato, aba mataas din ang ratings niyon.
O baka gusto niyang maging guest sa The Boobay and Tekla Show, ang show na nagpabagsak sa kanyang evening program.
Sa totoo lang, si Vice ang parang malalagay sa alanganin sa pagpasok nila sa GTV dahil sa mga panlalait niya noon sa GMA at sa ibang mga personalidad doon. Baka nga mas mabuting manimbang muna siya kung nakalimutan na ng mga tao roon ang mga kabalahuraang pinagsasabi niya noong araw. Pero hindi naman siguro mangyayari na basta na lang may kukutos sa kanya kung nakatalikod siya. Ewan din kung sa pagpasok nila sa GMA hayaan ding sumama sa kanila ang mga event security nila na may kayabangan din kung minsan.