HATAWAN
ni Ed de Leon
MINSAN nagtataka kami, bakit nga ba puro mali ang nasusugalan ng GMA 7. Natatandaan ninyo noong araw, sinugalan nila nang husto iyong Francheska Farr, nasaan na ngayon? Ngayon naman ang lakas ng sugal nila riyan kay Julie Anne San Jose na hindi namin alam kung bakit. Umangat ba? Ini-love team nila iyan noon kay Elmo Magalona, na ang talagang syota ay si Janella Salvador. ipinartner din siya kay Jake Vargas na ang totoong syota niyon ay si Bea Binene. Ngayon naman kay Rayver Cruz na ang syota dati ay si Janine Gutierrez. Sinakyan ni Rayver ang love team at ewan kung nahahalata nila na pati ang popularidad ni Rayver ay nanlamig. Basta ang isang artista ay naisama sa isang mahinang ka-love team at hiind kinilig ang fans, iyon na ang katapusan.
Gumawa sila ng remake ng isang Korea Novela. Siguro kung ang kinuha na lang nila ay ang dati nilang artista na si Mike Tan na marunong din namang umarte at mukhang Koreano rin, mas naging ok ang serye. Sa halip kumuha sila ng isang baguhan, si Gil Cuerva na kahit nag-workshop na raw at nai-coach ni Joyce Bernal ay wala pa rin. Pagkatapos ano, pinabayaan na rin nila si Gil, nasira pa iyong bata at napagsabihang hindi kasi marunong umarte.
Si Donna Cruz sumikat noon sa kanila, hindi lang bilang singer kundi bilang artista rin. Hindi ba napakataas ng ratings noon ng kanilang Villa Quintana na ang bida ay sina Donna at Keempee de Leon. Pero hindi nila sinugalan nila ay si Francheska, eh napaka-“far” naman sa batang iyon ng stardom. Binigyan pa ng pelikulang napakalaki ng puhunan, pero napakaliit naman ng kita.
Kailangan nila talaga ng isang mahusay na “artist’s think tank.” Kinuha nila si Mr.M (Johnny Manahan) na dating may hawak ng Star Magic ng ABS-CBN, pero naiwan yata niya ang kanyang magic sa Madre Ignacia.
Kung hindi bakit ba nakapuwesto pa sina Betong at Buboy Villar sa Eat Bulaga na nasa isang kritikal na kondisyon. Bakit hindi nila naisip ang ibang stars.
Inilagay pa nila si Paolo Contis na napakayabang ng dating at walang sinasabi kundi nagde-demand ng respeto. Hindi nahihingi iyan boy, ang respeto ay kusang ibinibigay.
Kailan pa kaya matututo ang GMA?
Sayang sila pa naman ang pinaka-malakas na network ngayon at wala silang kalaban. Sa isang laban talagang may nananalo at may natatalo, pero ang masakit ay iyong matalo ka kung kailan wala ka nang kalaban.