HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI naman daw pumalag ang It’s Showtime at maging ang ABS-CBN, nang sabihin sa kanilang delayed telecast na lang sila sa TV5 dahil papasok ang original na Eat Bulaga sa noontime slot.
Una, hindi naman sila makakapalag dahil tapos na ang kanilang blocktime agreement sa TV5, ikalawa bilang blocktimer alam nilang ang masusunod diyan ay iyong network. Isa pa, ang pasok ng TVJ sa TV5 ay hindi lang dahil sa Eat Bulaga, isa na silang production company na gagawa rin ng content para sa network at sa iba pa. Mahirap nang banggain iyan dahil gaya ng ABS-CBN, content producer na rin sila. Maaari nga raw nilang i-revive ang dati nilang top rating show na Iskul Bukol. Marami pa silang maaaring gawin, kasi noon pa rin naman sila nagpo-produce talaga. May tiwala rin sa kanila ang ibang mga artista kaya madali nilang makausap. May pruweba na rin sila kaya may tiwala rin sa kanila ang advertisers. Iba talaga iyong may experience.
Hindi naman nila inawat ang Showtime na magpatuloy ng noontime sa kanilang social media channels at sa cable, ganoon din sa Zoe TV. Pero ilalagay nga sila sa ibang oras ng TV5. Hindi naman sila makaaalis sa TV5, kailangan nila ng free tv audience na hindi naman nila makukuha sa Zoe TV dahil isa lang ang provincial station niyon sa
Palawan pa. Eh ang TV5 mas maraming provincial stations kaya mas maraming makakapanood sa kanila at kailangan nila iyon para makumbinsi ang mga advertiser na pumasok sa kanila. Ang basehan pa rin kasi hanggang ngayon ay ang reach ng free tv, hindi namn ang nanonood sa internet. Ang umaangal lang naman ay ang mga troll nila. Papansinin ba nila iyon?