HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGSISIMULA pa lamang siya ay sinasabi na ni Joshua Garcia na hindi siya galing sa isang mayamang pamilya, kaya noong magkahiwalay daw ang kanyang mga magulang, naiwan pa siya sa isang tiyuhin niyang pari na siyang nagpa-aral at nagpalaki sa kanya. Kaya noong isang araw nang tanungin siya ng King of Talk na si Boy Abunda ng, “ngayon mayaman ka na?” Buong kababaang loob na sumagot ang aktor, “Mayaman po sa pagmamahal.”
Palibhasa nga ay palaki ng isang pari at nakuha pa siguro ang tradisyon at kaugalian ng mga Batangueno, kaya ganoon kababa ang loob ni Joshua sa kabila ng tagumpay na kanyang tinatamasa. Iyan ang napuna namin sa batang iyan, walang kayabang-yabang, na kung iisipin marami na siyang maaaring ipagyabang.
Kung iisipin kayang-kaya nang bumili ni Joshua ng mga branded at mamahaling damit at gamit, at mayroon naman siya ng mga iyon. Kailangan din naman siyang pumorma dahil sa kanyang propesyon, pero hindi siya iyong nagyayabang kung gaano kamahal niya binibili ang mga gamit niya. Alam na naman ng mga tao iyon, bakit pa nga ba niya ipagyayabang?
Mapapansin mo rin sa batang iyan kung paano niya igalang ang mga nakatatandang artista at kasama sa trabaho, kahit na sa totoo lang ay mas sikat siya sa mga iyon.
Iyang ganyang klase ng tao ang dapat na sumikat kasi nga hindi mayabang. Marami riyan, nagsisimula pa lamang, mga wala pang pangalan, wala pang napatutunayan pero ang yayabang. Makikita mo sa social media at ipinagyayabang nila ang mamahalin nilang gamit.
Makikita mo kung paano sila magwalwal at lustayin ang kanilang pera sa mga bar kung gabi. Kung iisipin ano nga ba ang pakialam natin eh pera naman nila iyon, kaya lang makikita mo ang kayabangan, tapos matutuklasan mo kaya lang pala marami ang pera “suma-sidedline ng wala sa ayos.”
Wala na tayong pakialam doon pero ang masasabi nga natin, kung mayroon mang dapat na hangaan iyong mga kagaya ni Joshua, na nananatiling mababa ang loob.