HATAWAN
ni Ed de Leon
KUNG panalo ang ABS-CBN sa deal nila sa GMA 7, mas panalo pa sila sa deal nila sa Prime Holdings. Ipinasa nila sa Prime Holdings ni Speaker Martin Romualdez ang 60% ng nalulugi na nilang Teleradyo.
Sila ang mananatiling may control sa 40%. Siyempre lalabas na dahil mas may alam sila sa estasyon ng radyo, sila pa rin ang magpapatakbo ng estasyon. Ibig sabihin, mga tauhan nila ang magtatrabaho, kaya sabihin mang ang Prime Holdings ang may hawak ng majority shares, sila pa rin ang may control. Habang nalulugi ang ABS-CBN, nalulugi rin ang Prime Holdings. At sa hatian ng kita, lamang ang ABS-CBN, dahil ang
suweldo ng mga tauhan nila, manggagaling din sa kita. Kung titingnan mong mabuti mukhang magigisa ang Pime Holdings sa sariling mantika.
At dahil speaker of the house at pinsang buo pa ng presidente, maaari nilang isulong na makakuha silang muli ng prangkisa, hindi lamang para sa dzMM kundi maging sa kanilang tv station. Iyong provisional permit na ibininigay ng NTC sa AllTV, tapos na rin ngayong 2023, maaari nilang bawiin ang Channel 2. Wise move talaga iyang makipag-sosyo sila sa Prime Holdings para sa Teleradyo, dahil lalabas na hindi naman kikita iyon kung hindi nila mababawi ang DZMM.
Wala pa ring gumagamit ng frequency ng dzMM.
Mahirap pangunahan, hindi natin alam kung ano ang mangyayari, pero sa nakikita nating deals ng ABS-CBN noong mga nakaraang panahon, ewan.
Bakit kaya hindi naisip ng Prime Holdings na mgbukas na lang ng sarili nilang estasyon, kung makakukuha rin naman sila ng prangkisa nila kaysa saluhin nila ang isang naluluging estasyon na baka mag-backfire pa sa kanilang political agenda kung sakali. Hindi pa nga sila nagsisimula kung ano-anong kuwento na ang nairinig namin eh.
Isa pa, mukhang hindi wise na sumalo ng isang bumagsak nang estasyon ng radyo.