HATAWAN
ni Ed de Leon
PURING-PURI ng mga taga-Madre Ignacia ang kanilang co-production venture sa dati nilang kakompitensiyang GMA 7. Natural dahil kahit na anong tingin ang gawin mo sila ang panalo sa nasabing deal. Una kung sila lang ay hindi na sila makagagawa ng ganoong proyekto. Hindi na nila kayang gumawa ng ganoon kalaking proyekto dahil hindi naman nila maibebenta. Wala silang prangkisa at kung ilalabas lang sa cable, internet at hindi high rating stations, aba eh mura lang ang commercials doon. Hindi sila makababawi. Eh iyang ang show ay ilalabas sa Channel 7 na napakataas ngayon ng commercial rate.
TiyaK na kikita sila bukod pa nga sa nakatitiyak silang may manonood ng kanilang serye. Sabihin man nilang mahusay ang kanilang produksiyon dahil wala naman silang mapaglabasang malakas na estasyon ay hindi naman sila masyadong napapanood. Bukod doon, nabibigyan nila ng magandang trabaho ang kanilang mga tauhan, at dahil malaki ang budget ng show, malaki rin ang kinikita. Kung doon sa iba nilang ginagawa na maliit lang ang kita, natural mas mababa rin ang bayad nila sa kanilang mga tauhan. Naalaska pa ng ilan sa kanila ang mga tao sa Kamuning. Natural inis sa kanila ang mga tao sa Kamuning dahil pumasok sila sa teritoryong iyon at nawalan ng trabaho ang mga original doon.
Isipin ninyo iyong mga nagtiyaga sa Kamuning ng mahabang panahon, bigla na lang nilang pinasukan, ano nga ba ang iisipin ng mga iyon?
Para kasing minenos sila nang pumasok ang mga taga-Madre Ignacia sa Kamuning. Hindi lamang naman ang mga gumagawa ng serye, pati mga executive nabawasan din ang papel nang magtakbuhan doon ang mga executive na pinag-retire na, o laid off nang mawala ang prangkisa ng Ignacia. Ikatutuwa ba naman ng kahit na sino ang ganoon?
Ang alam namin may ilan sa kanila na nag-resign na lang kaysa ma-under ng mga dati nilang kalaban. Basta kami wala na kaming pakialam diyan, dahil ngayon pagkatapos ng Voltes V pinapatay na namin ang tv dahil bawal na sa amin ang magpuyat.