HATAWAN
ni Ed de Leon
NGAYON maliwanag nang nagda-damage control si Hope, alyas Liza Soberano. Ikinakalat nila ang umano ay ang natitirang bahagi ng kanyang interview sa King of Talk na si Boy Abunda. Rito ay nagpasalamat at humingi siya ng dispensa sa ABS-CBN, sa dati niyang manager na si Ogie Diaz, at sa kanyang Tita Joni, na sa kanyang statement ay, “siyang unang naniwala sa akin.” Ito ay pagkatapos niyang sabihin na tumulong iyon sa kanyang career dahil sa nakukuhang 20% komisyon na lalong nagpaliit ng kanyang kita.
Hindi rin namin maintindihan kung iyan ay isang bahagi nga ng actual interview, dahil maganda sana iyan pero bakit hindi isinama sa Fast Talk na napanood sa telebisyon at sa halip sa internet lang lumabas? Hindi kaya iyan ay isang bahagi ng interview na ilalabas lamang bilang damage control kung masama ang epekto ng nauna niyang
statement na siyang napanood sa telebisyon?
At sino nga ba ang nagda-drum up ng statement na humingi naman pala siya ng dispensa sa dati niyang network, sa dati niyang manager at sa tiyahin niya, at kinikilala niya ang mga iyon na nakatulong nang malaki para siya sumikat? Hindi nga lang siya kayang dalhin ng tatlo sa Hollywood, na inaasahan niyang magagawa ni James Reid.
Doon sa lumabas na bago niyang statement sa internet, binalewala naman niya ang statement ng tatay niya na kung may dapat siyang kilalanin at pasalamatan, iyon ay ang fans lamang niya. Mukhang sila-sila mismo hindi nagkakaintindihan.
Kasabihan na nga, sa ganyang sitwasyon, “it’s time to press the panic button.” Pero mag-panic man sila, may mangyayari pa ba? At saka bakit dito pa sila nakikipaglaban ng taltalan, bakit hindi sa Hollywood na lang?