HATAWAN
ni Ed de Leon
MALUNGKOT din namang marinig iyong sinasabing sumuko na ang ABS-CBN at kinikilala na nilang ang GMA Network na ang number one sa ngayon. Nauna riyan, sinasabi nilang sila ay hindi na nag-o-operate bilang isang network kundi bilang content creators na lamang.
Nang mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN, makikitang pinipilit pa rin nilang mai-maintain ang kanilang kompanya bilang isang network.
Nag-expand sila sa internet streaming at sa social media at ipinagmamalaki ang malakas nilang following na parang sinasabi na off the air sila pero sinundan sila ng audience sa internet. Pero dumating din ang panahon na nakita nila ang katotohanan, hindi sapat ang internet at ang kanilang cable television.
Hinahanap pa rin ng mga tao ang legitimate media, naroroon pa rin sila sa free tv. Sinikap naman ng ABS-CBN na makabalik sa free tv, kaya nga nag-block time sila sa Zoe TV at may panahong inaayos nila ang isang merger sa TV5, pero dahil na rin sa political pressure, hindi natuloy iyon, at sa tingin din ng gobyerno magkakaroon ng violation sa kanilang prangkisa ang TV5.
Ngayon nga ang latest, isinuko na nila ang kanilang network operations, tanggap na nilang gagawa na lang sila ng content para sa ibang networks. Ipagbibili na rin yata nila ang Sky Cable sa kanilang kalabang Cignal, kasama na ang Telco operations niyon, para magkaroon ng dagdag na puhunan sa kanilang content production.
Gigibain na rin daw ang dating ABS-CBN building, at kahit na hindi pa nila inaamin iyon daw ay gagawing isang condominium ng kanilang real estate company, iyong Rockwell. Nakalulungkot pero maaaring tama naman sila na baka nga kung makakakuha man sila ng bagong franchise para makapag-operate bilang isang network, matatagalan pa iyon.
Malungkot dahil mukhang natuldukan na ng pagsasara ng ABS-CBN ang interest ng pamilyang Lopez sa local media. Nauna riyan, nasara rin ang diyaryo nilang The Manila Chronicle dahil sa labor strike. Nasara man ang diyaryo, nagpalakas naman sila sa tv, pero ngayon nawala na rin iyon.
Nawala na rin sa kanila ang malalaki nilang talents dahil hindi naman nila masusuportahan ang career ng mga iyon. Hands up na ang ABS-CBN. Nakalulungkot din pero iyan ang katotohanan na kailangan
na nating tanggapin.