HATAWAN
ni Ed de Leon
GIGIBAIN na raw ang lumang building ng ABS-CBN at pamamahalaan iyon ng Rockwell? Narinig na namin iyan bago pa magkaroon ng pandemya. Huwag sabihing mangyayari iyan dahil nabigo nga silang makakuha ng prangkisa.
Bago magkaroon ng pandemya, sinimulan na nila ang pagtatayo ng mga modernong studio sa San Juan del Monte, at nabalita nang doon itatayo ang production studios ng ABS-CBN. Tutal, sinasabi nila magiging madali na ang pagpunta roon dahil sa itinatayong LRT 7, at malaki ang lupain ng mga Lopez doon. Noon nga sinasabing sa tabi ng ABS-CBN ay magtatayo pa sila ng isang theme park, na gaya ng ginawa ng Universal Studios pero ang featured ay mga show na pinasikat ng ABS-CBN.
Katunayan nagsimula na sila ng ilang attractions noon sa Trinoma, para ma-test nila ang market na hindi rin naman masyadong lumakas kaya nasara rin, bago pa yata ang pandemya.
Iyang property nila sa Esguerra Avenue, sinasabing tatayuan ng mga condominium units ng Rockwell, at sa isang bahagi na lang ilalagay ang kanilang news operations, dahil hindi naman maaari sa SJDM pa ang news nila, napakalayo sa sentro.
Noon pa iyang planong iyan. Hindi na bago iyan sa pandinig namin. Hindi rin iyan dahil sa nawalan sila ng prangkisa. Talagang iyan ang plano nila.