HATAWAN
ni Ed de Leon
TALAGA namang naging pangunahing advocacy ni Ate Vi (Ms Vilma Santos) noon pa man ang maitaas ang kalagayan sa buhay ng mga karaniwang tao. Kaya ano mang bagay na makapagpapabuti sa buhay ng mga kariwang tao, sinusuportahan niya iyan.
Iyon ang naging paliwanag ng star for all seasons kung bakit pumayag siyang mag-endoso niyong Angkas.
“Ang nakikita ko nababawasan ang oras ng mga magulang para sa kanilang mga anak dahil sa matinding problema natin sa traffic at kakulangan ng murang transportasyon. Maraming proyektong ginagawa ang gobyerno para riyan, kabilang na nga iyong paglalagay ng mas maraming tren, pero matagal pa iyon at ang problema ay narito na.
Problema rin natin ang kawalan ng trabaho, maraming walang pinagkakakitaan. Kaya noong kausapin ako nina George Royeca tungkol dito, ipinakita nila sa akin ang sitwasyon at ang katotohanan na mahigit na 18,000 riders na ang kumikita ng marangal dahil sa sistemang ito, impressed ako. Ang naging question ko lang ay iyong safety. Pero nang makita ko ang klase ng training nila, continuous monitoring at pati ang mga protective gears, nakumbinsi na
ako. Kaya ko ito inendorse,” sabi ng Star for All Seasons.
Hindi ba siya nagkaroon ng doubts sa endorsement niya?
“Tumagal na ako ng anim na dekada sa showbusiness. Hindi ko sisirain ang pangalan ko sa kahit na anong dahilan. Nagserbisyo ako sa bayan ng 24 years, wala akong kalokohan. Bakit ko sisirain ang
pangalan ko sa isang endorsement lang kung hindi ako kumbinsido.
“At saka si Ralph, may big bike rin, rider din. Sinasabi niya sa akin na safe naman iyan. Kung hindi ba, bakit ako iaangkas ng asawa
ko sa motorsiklo?” sabi pa niya.