HATAWAN
ni Ed de Leon
SINUSUPORTAHAN daw ni Vice Mayor Yul Servo ang muling pagdaraos ng Manila Film Festival. Iyan pala ang sinasabi nilang
summer film festival. Ire-revive lang pala nila ang Manila Film Festival na sinimulan ni Mayor Antonio Villegasng Lunsod ng Maynila noong 1966. Iyan ang pioneer, ang kauna-unahang film festival sa bansa, na ginawa ni Villegas para ang mga pelikulang Pilipino na mapapanood naman sa mga malalaking sinehan noon na kontrolado at
nakatali sa mga kontrata sa foreign film exchange.
Idinemanda pa noon ng mga foreign film exchange si Villegas, pero pinanindigan niya ang kanyang suporta sa pelikulang Pilipino. Eh ano nga ba ang laban nila kung ang mga sinehan nila ay alisan ng mayor’s permit Kaya naging matagumpay ang Manila Film Festival hanggang sa mapalitan nga ito ng mas malawak na Metro Manila Film Festival noong 1975 na pinamunuan naman ng noon ay Metro Manila Governor Imelda Romualdez Marcos.
Pero ewan kung mabubuhay nga ba ang isang festival sa Maynila lamang. Nasira nang lahat at giniba na ang malalaking sinehan noon sa Maynila. Ang mga magagandang sinehan noon na ang disenyo ng building ay likha pa ng mga national artists ay hindi nabigyan ng proteksiyon ng mga nakaraang pamahalaan at hinayaan nang masira. Kasi ang mas maliliit na sinehan ay inilagay na sa mga mall.
Noong congressman pa siya, hindi lang iyan ang plano ni VM Yul. Gusto niya noong buhayin ang Escolta bilang “arts’ center.”
Kasama sa proyekto niya ang muling pagtatayo ng Capitol at Lyric Theaters sa orihinal na hitsura ng mga iyon.
Sa Escolta nagsimula ang kauna-unahang sinehan sa Maynila, iyong Pertierra. Sa dulo naman, sa Sta.Cruz, naroroon ang isang malaking sinehan na pinagsimulan din ng vaudaville, iyong Astor Theater, na nang maluma na at naglalabas na lang ng mga lumang pelikula ay tinawag na Cine Sta, Cruz.
Maraming magagawa sa Maynila na maaaring kilalaning sentro ng performing arts dahil sa naging takbo ng kasaysayan, pero simulan na muna iyan sa film festival.