HATAWAN
ni Ed de Leon
PANAY pasalamat ni Ate Vi (Ms Vilma Santos) sa King of Talk na si Boy Abunda, dahil kahit na lumipat na iyon sa GMA 7, tinupad pa rin ang commitment na siya ang magho-host ng 60th anniversary special ng Star for All Seasons na ilalabas ng ABS-CBN.
“Matagal na iyang commitment at saka isang magandang pagkakataon din para sa akin na gawin ang tribute na iyon,” sabi naman ng King of Talk.
Napanood namin iyong Anim na Dekada, Nag-iisang Vilma, ng buong apat na oras noong i-tape nila iyon sa Dolphy Theater. Taped as live iyon, at magugulat ka, walang cue cards, walang teleprompter, talagang nagtatanong si Boy kung ano ang lumabas sa kanyang utak, na sinasagot naman ng Star for all Seasons. Hindi kailangang mabilis ang bibig, lalong kailangan ang mabilis na pag-iisip sa ganyang sitwasyon, at tama si Ate Vi wala ngang makagagawa ng ganoon maliban kay Boy. Para ano nga ba’t tinawag siyang King of Talk kung hindi ganoon.
Pinag-uusapan nga namin, lahat ng mga lalaking naging talk show host. O sabihin na nating lahat ng mga naging talk show host, sino ba ang tumagal nang ganyan maliban kay Inday Badiday, na siya namang nagsimula ng showbiz talk show sa telebisyon. Pero maging si Badiday ay may kinukumbidang guests para magtanong at magkaroon ng forum, hindi gaya ni Boy na siya lang talagang mag-isa, at nakakaya niya.
Mahirap magdadaldal nang isang oras at mai-hold mo pa rin ang audience, pero ang King of Talk, noong kapanayamin niya ang Star for all Seasons, napanood namin ng apat na oras na buo at hindi kami nabagot.
“Tito Boy has his ways,” ang nasabi lang ng producer na si Chit Guerrero.